Charter change, ipinagpipilitan pa rin sa Senado

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Isang prayer rally laban sa charter change sa pangunguna ng simbahang Katolika ang nakatakdang ilunsad, kasama ang iba’t ibang sibiko, progresibo at makabayang organisasyon, sa huling araw ng regular na sesyon ng Senado sa Mayo 22. Lalahukan ng rali ng dyosises ng Maynila at iba pang kalapit na simbahan, gayundin ng ilang paaralang Katolika. Sabayang magpapakalembang ng mga kampana ang mga simbahan sa alas-4 ng umaga at magkakaroon ng pagtitipon sa harap ng Senado mula alas-3 hanggang alas-5 ng hapon.

Nakatakdang isalang sa Senado ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 6 na magpapahintulot sa 100% dayuhang pag-aari sa mga pampublikong yutilidad, institusyon sa edukasyon at pagpapatalastas (advertising). Sa kabila ng malinaw at mariing pagtutol dito ng sambayanan, ipinipilit pa rin ng mga alipures ng rehimeng Marcos ang mga amyendang tinaguriang “economic cha-cha.” Nairatsada na ang katulad na panukala sa Mababang Kapulungan, sa pangunguna ng House Speaker na si Martin Romualdez.

Sa Senado, pinangungunahan ni Sen. Juan Miguel Zubiri ang pamimilit sa charter change. Aniya, 95% sa mga senador ay pabor sa pagtanggal ng mga restriksyon sa mga probisyon sa ekonomya sa konstitusyon. Ipinagmalaki pa niyang meron nang 15-16 senador na pabor sa “economic cha-cha.” Kakailanganin na lamang umano ng dagdag na dalawang boto para lumusot ito sa Mataas na Kapulungan.

Ang pagmamatigas ay taliwas sa resulta sa unang konsultasyon na isinagawa ng mga senador sa Baguio City noong Mayo 17. Dito, ipinaabot ng mga lokal na upisyal, kasama ang mga upisyal ng mga unibersidad, ang kanilang pagtutol sa ibayong pagbubukas sa ekonomya sa mga dayuhan, laluna na ang mga paaralan.

Sa konsultasyon, tinawag ng executive director ng Pangasinan State University na si Gudelia Samson ang pagbubukas ng mga unibersidad sa dayuhan bilang “pagtataksil.” Aniya, isinusuko nito ang sistema ng edukasyon sa mga dayuhang walang alam sa kasaysayan, gayundin sa krisis bumabayo ngayon sa sektor. Nangagamba ang mga akademiko na magbubunga ang amyenda sa pagtatanggal ng mga guro. Tutol din dito ang gubernador ng Kalinga.

Kasunod na kokonsultahin ng mga senador ang mga upisyal, negosyante at mga organisasyon sa Cebu at Cagayan de Oro sa susunod na mga linggo.

Ang resulta ng mga konsultasyon na ito ay ihaharap sa Senado sa muling pagbubukas ng sesyon matapos ang State of the Nation Address ng pangulo sa Hulyo.

AB: Charter change, ipinagpipilitan pa rin sa Senado