Daan-daang estudyante, nagrali sa PUP laban sa kaltas sa badyet ng unibersidad
Sinalubong ng mahigit 400 estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) ang unang araw ng klase noong Setyembre 9 sa isang martsa-protesta sa kampus nito sa Sta. Mesa, Manila. Itinampok ng mga konseho at organisasyon ng PUP sa “First Day Fight” ang mga isyu sa kaltas-pondo sa unibersidad, akademikong kalayaan, karapatang-tao, pambansang soberanya at iba pang isyung pambayan.
Kinaltasan ng rehimeng Marcos nang ₱8.4 bilyon ang panukalang badyet ng unibersidad para sa 2025. Sa isinumite nitong badyet, humiling ang PUP ng ₱11.8 bilyon para sa susunod na taon pero ₱3.39 bilyon lamang ang alokasyon ng rehimen sa panukala nitong National Expenditure Program na isinumite ng Department of Budget and Management sa Kongreso.
Malaking kawalan para sa unibersidad ang kinaltas na pondo na para sana sa pagpapanatili at pagsasaayos ng mga kagamitan, pagpapagawa ng mga pasilidad, at pagpapasahod sa mga guro at kawani nito, ayon sa PUP Office of the Student Regent. Sa naturang protesta, ipinahayag ng komunidad ng PUP ang pangangailangang ipaglaban ang dagdag na badyet para sa unibersidad.
Ayon sa PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral, kailangang simulan ang taong panuruan sa isang protesta para sa “iisang hangarin—ang matamasa ang kalidad na edukasyon para sa lahat, dahil ang edukasyon ay hindi pribilehiyo kundi ito ay isang karapatan.” Gumugulong na rin ang pagpapapirma sa petisyon para rito ng PUP Budget Increase Network.
Idiniin naman ng Alyansa ng Kabataang Mamamahayag ng PUP ang kanilang patuloy na paglaban sa censorship at paggiit sa kalayaan sa pamamamahayag sa loob ng mga kampus. Anang grupo, naitala ng College Editors Guild of the Philippines ang 206 kaso ng paglabag sa karapatan ng mga mamamahayag pangkampus mula Hunyo 2023 hanggang Hunyo 2024 sa bansa.
Liban dito, ipinahayag ng mga grupo ang pagsuporta sa laban ng mga manggagawa para sa nakabubuhay na sahod, pagtatanggol sa karapatan ng mamamayan, paglaban sa pampulitikang panunupil ng rehimeng Marcos at iba pa. Nakiisa rin sa pagkilos ang mga grupo ng kabataang nagtatanggol sa kalikasan, mga tagapagtaguyod ng karapatan ng mga pambansang minorya at iba pang aping sektor ng lipunan.
Para kay Tiffany Faith Brilliante, tagapagtipon ng Defend PUP at lider ng Sandigan ng mga Mag-aara para sa Sambayanan (SAMASA) PUP, ang protesta ang nagpapaalala sa mga bagong estudyante na hindi lang dapat nakukulong sa apat na sulok ng silid-aralan ang karunungan kundi nararapat lamang na gamitin upang mas mapagbuti ang lagay ng masa sa lipunan.