News

Dagdag na badyet para sa Kaliwa Dam, hindi katangap-tanggap

, ,

Inalmahan ni Carlos Zarate, Executive Vice President at dating kinatawan ng Bayan Muna, ang panukalang dagdag na ₱1.3 bilyon na pondo mula sa National Economic and Development Authority (NEDA) Board para sa pagpapatayo ng Kaliwa Dam.

Aniya, hindi katanggap-tanggap ang dambuhalang budget na inilaan para sa proyekto. “Sa panahon na matindi ang kinakaharap nating problema sa ekonomya, pinahintulutan ng NEDA Board ang proyekto na hindi lang maglulubog sa mga lupang ninuno ng ating mga kapatid na katutubo kung di mas lalong maglulubog sa bansa sa utang.”

Sa kasulukuyan, nasa ₱15.3 billion na kabuuang pondo ng proyekto mula sa ₱12.2 billion. Inutang ang pondong ₱12.2 bilyon mula sa China noong 2018.

Sa orihinal na plano, ipatutupad ang konstruksyon ng proyekto mula 2019 hanggang 2022. Napalawig ito hangang 2026 at sinabing magsisimula ang operasyon sa 2027. Nagmungkahi ang Metropolitan Waterworks and Sewerage Sytem (MWSS) ng pagpapalawig sa panahon para makapagbayad ito ng utang at implementasyon ng proyekto. Humingi rin ito ng permiso para baguhin ang saklaw ng proyekto.

Mula pa panahon ng rehimeng Duterte, inilalako na ang proyektong ito bilang “krusyal upang mapalawak ang mapagkukuhaang tubig at mapawi ang kakulangan ng suplay partikular sa Metro Manila, Rizal, at Cavite.” Pero ayon sa mga katutubong Dumagat at mga grupong maka-kalikasan, malaki ang pinsala na idudulot nito sa kabundukan, kagubatan at maging sa kalapit na karagatan.

“Bagamat hindi maitatanggi na may pangangailangan para sa sustenableng mapagkukunan ng tubig, hindi dapat magkaroon ng malaking kapalit ang proyekto,” ayon kay Zarate.

Mariing tinututulan ng mga katutubo ng Dumagat-Remontado ng Quezon at Rizal at mga grupo para sa kalikasan ng proyekto na Kaliwa Dam dahil sa epekto nito sa kabuhayan ng mga residente, pamanang kultura, at kagubatan ng Sierra Madre. Sakop ng proyekto ang lupang ninuno ng mga katutubo sa lugar. Ayon sa mga residente, magdudulot rin ng pagkawasak ng mga puno, kawalan ng tirahan para sa mga hayop sa kagubatan at pag sira sa krusyal na ecosystem.

Mahigpit na sinusuportahan ng Partido Komunista ng Pilipinas ang pakikibaka ng mamamayan laban sa Kaliwa Dam.

“(Isa itong) napakalaking pasaning pampinansya ng mga Pilipino, at pangunahing makikinabang lamang dito ang mga pribadong concessionaire ng tubig, na nanghuhuthot sa mamamayan sa pamamagitan ng mataas na bayarin,” ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido. “Sa pag-apruba ng isa pang round ng pautang para sa Kaliwa Dam project, isinasakripisyo ng rehimen ni Marcos ang kapakanan ng mga Pilipino, sa ngalan ng kita ng malalaking kapitalista at mga dayuhang kumpanya sa pinansya.”

AB: Dagdag na badyet para sa Kaliwa Dam, hindi katangap-tanggap