Dalawang organisador ng masang anakpawis, ginigipit

,

Walang tigil ang rehimeng Marcos sa panggigipit sa mga kritiko nito. Naiulat kahapon na dalawang organisador sa hanay ng masang anakpawis ang sinampahan ng kasong kriminal at nakatanggap ng warrant of arrest.

Ayon sa Kilusang Mayo Uno, bigla na lamang silang nakatanggap ng naturang mandamyento laban kay Kara Lenina Taggaoa, upisyal nito sa mga usaping internasyunal, at kay Helari Valbuena, pangulo ng Pasiklab Operators and Drivers Association (Pasoda). Kapwa sila kinausahan ng “robbery” ng pulis ng Quezon City kaugnay sa isinagawang mapayapang protesta noong Hulyo 2020. Ayon sa KMU, wala paunang imbestigasyon o abiso ng isinampang kaso.

Ang dalawa ay kinasuhan ng “robbery” bilang mga umano’y lider sa isinagawang mapayapang protesta noong July 2020.
Sa isang ulat noong Hulyo 2020, inianunsyo ng Quezon City Police District ang planong pagsasampa nila ng kaso sa naturang mga personahe at iba pang tinukoy nitong lider ng protesta.

Pinalalabas ng mga pulis noon na ninakawan at binugbog umano ng mga nagprotesta sa harapan ng Commission on Human Rights sa Quezon City noong Hulyo 11, 2020 ang mga pulis na “nagbabantay” sa protesta.

Ayon sa balitang lumabas, tinangay daw ng mga nagprotesta ang mga gamit ng isang Police Chief Master Sargeant Feliciano Evangelio tulad ng belt bag na naglalaman ng Glock Gen 17 at dalawang magasin, brown na wallet na naglalaman ng mga ID at pera, isang relo at selpon.

Pinasinungalingan ng LFS noong panahong iyon ang paratang ng pulis. Ayon rin sa grupo noong Hulyo 2020, wala doon sa lugar ang tagapagsalita nilang si Taggaoa.

Liban dito, mayroon ding kung sinu-sinong personaheng “pinangalanan” ang QCPD sa pahayag nito noong Hulyo 2020 na sasampahan ng kaso at ngayo’y hindi kabilang sa inilabas na warrant of arrest laban kina Taggaoa at Valbuena.

“Nananawagan ang Kilusang Mayo Uno na mariing kundenahin at biguin ang panibagong atake na ito sa mga lingkod-bayan. Isa na namang modus ng estado na gamitin ang batas para takutin at iharas ang mga lider ng progresibong grupo. Sama-sama nating ipanawagan na agarang ibasura ang gawa-gawang kasong ito,” ayon pa sa KMU.

Ang pagsasampa ng gawa-gawang kaso ay kinundena rin ng grupong Piston, na kinaaniban ni Valbuena. Nagpahayag rin ang mga konseho at organisasyong kabataan sa University of the Philippines ng pagsuporta kay Taggaoa na mag-aaral ng UP Diliman.

Ayon sa KMU, naniniwala silang “malakas ang laban sa korte laban sa gawa-gawang kasong ito.” Nanawagan din ang grupo na suportahan ang dalawa sa pagbibigay nga pinansyal na tulong para sa piyansa ng dalawa na aabot sa P100,000 bawat isa.

AB: Dalawang organisador ng masang anakpawis, ginigipit