Dinukot na mga aktibista sa Cebu, inilitaw na

Nakabalik na kahapon sa piling ng pamilya at mga kaibigan ang dalawang aktibistang sina Dyan Gumanao at Armand Dayoha matapos ang anim na araw na pagkukulong sa kanila ng armadong pwersa ng estado na dumukot sa kanila noong Enero 10.

Si Gumanao, koordineytor ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) para sa Rehiyon 7, at Dayoha na boluntir ng Alliance of Health Workers (AHW)-Cebu ay dinukot ng mga pwersa ng estado noong Enero 10 sa pagdaong nila sa pyer ng Cebu City. Iniulat silang nawawala noong Enero 13 matapos hindi matunton at makontak ng kanilang mga kaanak at kaibigan.

Ayon sa salaysay ng ama ni Gumanao, kumontak noong Enero 15 ang kanyang anak at nagpapasundo sila sa Carmen, Cebu kung saan sila iniwan ng mga dumukot sa kanila.

Isinapubliko ng Karapatan-Central Visayas ang isang bidyo na natanggap nila sa nangyaring insidente kung saan makikita paanong sapilitang dinampot at ipinasok sa sasakyan ang dalawang aktibista sa katirikan ng araw at habang maraming nakakasaksi. Isinakay sila sa isang gray na SUV na naka-parada sa mismong daungan ng barko.

Kinwestyon ng grupo ang mga pahayag noong una ng awtorirad ng pyer at Philippine Coast Guard na tumangging mayroong naganap na insidente sa lugar nang tanungin sila kaugnay nito.

Dagdag pa ng ama ni Gumanao, isinalaysay umano ng kanyang anak na nagpakilalang mga upisyal ng pulis ang dumukot sa kanila. Dagdag pa niya, piniringan sila at pinaghiwalay ng kwarto para doon interogahin ng mga ahente ng estado.

Malaki ang hinala ng Karapatan-Central Visayas na ang dalawa ay ipinailaim sa matinding tortyur. Anang grupo, “ang pagdukot sa mga biktima ay katulad ng militaristang taktika noong madilim na panahon ng Batas Militar.”

Sa huli, nagpasalamat ang mga grupo sa karapatang-tao at mga kaanak ng biktima sa naging tulong ng publiko at mga kaibigan ng dalawa. Ang pag-iingay umano ng marami ang nagtulak sa estado at armadong pwersa nito na ilitaw ang dalawa.

Kabilang sa mga tumulong sa pamilya ang pamunuan ng University of the Philippines Cebu.

Giit ng mga progresibong organisasyon na imbestigahan at papanagutin ang mga sangkot sa karumal-dumal na krimeng ito. “Umaasa kaming makakukuha ng dagdag na testimonya at materyal para makapagbuo ng kaso laban sa mga sangkot sa krimen na nagpakilalang mga upisyal ng pulis,” pahayag ng Karapatan-Central Visayas.

AB: Dinukot na mga aktibista sa Cebu, inilitaw na