Direktang pakikialam ng US sa sigalot sa Ayungin Shoal, kinumpirma ni Austin
Kinumpirma ni Lloyd Austin III, kalihim sa depensa ng US, ang direktang pakikialam ng US sa sigalot sa pagitan ng Pilipinas at China sa Ayungin Shoal nang bumisita siya sa Palawan noong Nobyembre 20. Kasabay niyang kinumpirma ang pag-iral ng di upisyal na pasilidad militar (EDCA site) sa loob ng Western Command (Wescom) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Puerto Princesa City.
Sa pahayag ni Austin sa social media, pinasalamatan niya ang “US Task Force Ayungin Shoal,” na binubuo ng mga sundalong Amerikano na nakabase sa loob ng Wescom. Mula sa “Command and Control Fusion Center” sa loob ng kampo, dinidirehe ng militar ng US ang kilos ng mga armadong sandatahang Pilipino sa Ayungin Shoal, exclusive economic zone ng bansa at maging sa kabuuan ng South China Sea. Sinasabing hindi bago ang “task force” na ito, na ngayon lamang ipinaalam ng US at papet nitong AFP sa mamamayang Pilipino.
Ang Ayungin Shoal ay naging sentro ng ilang kiskisan sa pagitan ng mga coast guard ng China at Pilipinas ngayong taon. Minamantine dito ng Pilipinas ang nabahurang BRP Sierra Madre bilang military outpost. Ang shoal at karagatang nakapalibot dito ay iligal na inaangkin ng China, taliwas sa internasyunal na mga batas sa karagatan. Makailang beses na ginamit ng AFP at ng US ang mga kiskisan dito para bigyang-matwid ang interbensyong militar ng US (sa pamamagitan ng tagibang na Mutual Defense Treaty) at bigyan-katwiran ang papalaking presensya hindi lamang ng US, kundi pati ng Japan, Australia at mga alyado nito sa NATO, sa South China Sea.
Samantala, ang Palawan ay lokasyon ng maraming base at pasilidad militar ng US (“EDCA site”), kapwa upisyal at di upisyal. Ang dalawang upisyal ay ang Antonio Bautista Airbase sa Puerto Prinsesa City at daungan at paliparan sa Balabac Island.
Ang presensya at pakikialam ng mga sundalong Amerikano sa mga internal na operasyong militar ay palatandaan ng kawalan ng independensya sa ugnayang panlabas ng Pilipinas at tahasang pagsasangkot ng US sa pakikipaggirian nito sa China. Hindi isinasapubliko ng US, at ng papet na reaksyunaryong estadong Pilipino, kung ilan pang mga sikretong “task force” ng US ang nasa bansa, ilang sundalong Amerikano ang tumatao rito at kung ano ang kanilang ginagawa.
Ang pagbisita ni Austin sa Pilipinas ngayong Nobyembre ay ikatlong beses na niyang pagbisita sa bansa. Pangunahing adyenda niya ngayon ang pagpirma ng General Security of Military Information Agreement (GSOMIA), isang kasunduan para sa “intelligence sharing” o pagbabahagian ng mga datos paniktik ng parehong bansa.
Sinimulang balangkasin ang kasunduan noon pang 2021, sa ilalim ng rehimen ni Rodrigo Duterte. Nabuo ito nang nakipagpulong si Ferdinand Marcos Jr kay Joseph Biden sa US noong Mayo 2023. Kahit bago pa ang kasunduang ito, palagian nang bahagi ng mga war games at iba pang aktibidad militar ang “pagbabahagi” ng Pilipinas ng maseselang internal na datos sa US.
Kasabay ng pormal na pirmahan, pinasinayaan din niya ang “Combined Coordination Center,” isang pasilidad militar ng US sa loob ng Camp Aguinaldo, hedkwarters ng AFP na nasa Quezon City.