DOTR, muling hinamon ng mga drayber ng dyip
Muling hinamon ng mga drayber at opereytor ng dyip sa ilaim ng Piston ang DOTr at ang kalihim nitong si Vince Dizon na gumawa ng kongkretong mga hakbang para itigil na ang huwad na programang modernisasyon sa transportasyon, laluna ang pwersahang konsolidasyon ng prangkisa. Binigyan nito ang kagawaran ng 10 araw para maglabas ng resolusyon para ibasura ang programa at ibalik ang 5-taong prangkisa.
“Pinaalala natin sa kanya na hindi na lihim ang kapalpakan ng programa: Walong taon nang nilalabanan ng mga tsuper at operator ang programang ito,” pahayag ng grupo. Anito, ang pagtanggi ng kagawaran na makapag-renew ng indibidwal na prangkisa ng maraming drayber ay sumisira sa kanilang kabuhayan at pumipinsala sa mga komyuter.
“Bawat delay sa pagbabasura ng programa ay katumbas ng papalaking bilang ng kabuhayang napipinsala at mga pamilyang nagugutom,” anito. “Hindi na sapat ang mga pangako at walang katapusang rebyu.”
Bago nito, inamin ni Dizon na wala pa sa kalahati o 43% lamang ng mga prangkisa ng dyip ay nakonsolida. Taliwas ito sa unang mga iginiit ng LTFRB na nasa 86% na ang konsolidado. Ayon kay Dizon, ang bilang na ito ay tumutukoy lamang sa mga drayber at opereytor na nagsumite ng mga papeles. Ang tantos na ito ang dating iwinasiwas ng LTFRB bilang patunay na “tagumpay” ang konsolidasyon.
Noon pa man, sinasalungat na ito ng Piston at iba pang mga grupo sa transportasyon. Anila, marami sa mga nagsumite ng papeles ay napilitan lamang dahil sa takot na pipigilan silang mamasada. Ang totoo, napakaraming drayber at opereytor ang tutol sa konsolidasyon at handang bumalik sa sistema ng indibidwal na prangkisa. Ang mga nagpakonsolida at pumasok sa mga kooperatiba ay nahirapan nang magbayad sa ibinenta sa kanila na mga “modernong dyip” at ngayon ay baon na baon na sa utang.