Balita

#DutertePalpak: Duterte, singko sa state of the youth address at mga taong simbahan

Singko ang grado ng mga grupo ng kabataan sa rehimeng Duterte sa ika-limang taon nito. Sa isinagawang State of the Youth Address (SOYA) 2021 noong Hulyo 19, pangunahing krimen ni Duterte ang kawalang-aksyon at plano para sa ligtas na pagbubukas ng mga eskwelahan sa panahon ng pandemya. Tinatayang nasa 2.73 milyon ang nagdrop-out — 10% mula sa 27.77 milyong nag-enrol noong akademikong taon 2019-2020.

Malaking bahagi ng mga huminto mag-aral ay mula sa pribadong paaralan. Mula naman sa pampublikong paaralan ang 21% at 3% sa mga SUCs. Nagdulot ng malaking problema at mataas na mental stress sa mga kabataan ang palpak na blended learning. Sinasabing ito ang dahilan sa pagpapatiwakal ng higit 20 kabataan mula 2020. Bukod dito, patuloy na inaatake ng pasitang rehimen ang academic freedom at campus press. Makailang ulit tiniktikan at pinasok ang mga kampus ng UP, PUP at iba pa at binantaan ang mga lider-kabataan. Walang-puknat din ang pagpuntirya sa kabataan sa red-tagging at atake sa social media ng mga trolls.

Liban sa SOYA na inilunsad sa UP Diliman, nagkaroon din ng parehong aktibidad sa UP, UST, DLSU at mga rehiyon ng Cordillera at Southern Tagalog.

Samantala, nanawagan ang mga taong simbahan na itigil na ang mga pang-aatake sa kanila.

“STOP THE CHURCH ATTACKS!” ang sigaw ng 100 taong simbahan na nagmartsa tungong Mendiola, Manila noong Hulyo 23 sa pangunguna ng United Church of Christ in the Philippines. Giit nila ang pagpapalaya sa mga taong simbahan na ikinulong ng rehimen sa mga gawa-gawang kaso.

AB: #DutertePalpak: Duterte, singko sa state of the youth address at mga taong simbahan