Ekstensyon ng konsolidasyon ng prangkisa, itinakwil ng mga drayber at opereytor
Itinakwil ng mga drayber at opereytor ang inaalok ng rehimeng Marcos na karagdagang 45 araw para pumaloob sa “public transport modernization program” ang mga drayber at opereytor na tutol sa pwersahang konsolidasyon ng mga prangkisa at jeepney phaseout. Tatagal ang alok ng gubyernong Marcos mula Oktubre 15 hanggang Nobyembre 29.
“Hindi extension sa consolidation ang kailangan, kundi pagbabasura sa pekeng modernisasyon at pagbabalik ng limang taong indibidwal na prangkisa,” pahayag ng Piston noong Oktubre 18.
Ang ekstensyon ay inalok ng rehimen bilang “huling pagkatataon” para pumaloob ang mga drayber at opereytor sa iskema. Pero para sa Piston, pag-amin ito ng estado sa kapalpakan ng programa at patunay na marami pang ruta ag hindi pumapasok sa konsolidasyon.
Kinundena rin ng grupo ang pagbabanta ng rehimen na ang tanging makakukuha ng fuel subsidy ay yaong mga konsolidado. Ginagamit pa nito ang pagtaas ng presyo ng langis para dagdag na pananakot sa kanila.
“Ito lang ang kayang gawin ng inutil at duwag na si Marcos Jr, at ng kaniyang mga ahenteng sina Bautista at Guadiz: manakot na manghuhuli, ipitin ang renewal ng rehistro, ipagkait ang fuel subsidy sa mga nagtatakwil sa programa,” ayon sa grupo. “Alam nilang hindi kusang loob na yayakapin ng masang tsuper at operator ang programa kung hindi sapilitan.”
Itinakwil rin ng grupong Manibela ang ekstensyon. Ayon sa grupo, patunay lamang ito na peke ang datos na ibinabandera ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board kaugnay sa bilang ng mga dyip na pumaloob sa konsolidasyon.
Sa mga prubinsya kung saan napilitang magkonsolida ang maraming tsuper, itinutulak naman ngayon ng mga lokal na gubyerno ang pagbabawas ng mga ruta. Ang mga iskemang ito, na nasa porma ng “route rationalization plan” ay tabing para lalupang bawasan ang bilang ng mga tradisyunal na jeep sa lansangan, kahit ang mga ito’y nagkonsolida.