Engrandeng proyektong imprastruktura sa Manila Bay, tuloy sa kabila ng pinsalang dala ng reklamasyon
Tuloy pa rin ang planong pagtatayo ng Philippine International Exhibition Center (PIEC), isa sa mga proyektong imprastruktura ng rehimeng Marcos sa isa sa itatayong isla sa Manila Bay, sa kabila ng pagtutol sa mga proyektong reklamasyon dito ng maraming sektor. Tinatayang nagkakahalaga ng P27 bilyon ang proyekto na sinasabing “pet project” ng unang ginang na si Liza Araneta-Marcos. Dati itong nakapailalim sa Bangko Sentral ng Pilipinas, pero inilipat sa pangangasiwa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noong 2024.
Inianunsyo noong Marso 23 ng DPWH na magsisimula na ang bidding para sa PIEC, na nakatakdang itayo sa Pasay Harbor City (PHC), isa sa 25 proyektong reklamasyon sa Manila Bay. Ang PHC ang isa sa dalawang reclamation project na pinahintulutang ituloy matapos isuspinde ng rehimeng Marcos iba pang proyekto noong 2023. Ang proyektong ito ay hawak ng Ulticon Builders, kasosyo ang Royal Boskalis Westminster N.V. at ang lokal na gubyerno ng Pasay City. Bago nito, hawak ng Udenna Development at China Harbour Engineering Co. ang proyekto.
Bubuin ang PHC ng 265-ektaryang lupang ire-reclaim na ihuhugis sa dalawang isla. Noong Hulyo 2022, humigit-kumulang 117 ektarya ng lupa na ang na-reclaim. Gayunpaman, may mga ulat tungkol istabilidad ng lupa sa unang nabuong isla, kung kaya kaduda-duha na ang plano para sa pangalawang isla. Itinakdang makukumpleto ang buong proyekto sa 2028, kabilang ang mga pasilidad nito, bago matapos ang termino ng rehimeng Marcos.
Isinasagasa ng rehimeng Marcos ang PHC at PIEC sa kabila ng pag-aaral na inilabas kamakailan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nagkumpirma sa matagal nang kritisismo ng mga mangingisda at mga grupong makakalikasan laban sa reklamasyon sa Manila Bay.
Tampok sa ulat na ito, na isinagawa ng mga syentista mula sa University of the Philippines, ang potensyal mga negatibong epekto ng reklamasyon, tulad ng pagkasira ng tirahan, pagtaas ng panganib sa pagbaha, at masamang epekto sa biodiversity ng dagat. Liban dito, matagal nang idinidiin ng mga mangingisda ang masasamang epekto ng reklamasyon sa kanilang kabuhayan at komunidad.