Balita

"Free legal assistance" ni Marcos, pangdepensa sa kriminal na mga sundalo at pulis

,

Binatikos ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) si Ferdinand Marcos Jr sa pagpirma nito noong Abril 15 sa Free Legal Assistance for Military and Uniformed Personnel Act (Republic Act No. 12177) na magbibigay ng libreng serbisyong ligal sa tiwali at kriminal na mga sundalo at pulis. Unang isinampa ang panukala sa panahon ni Rodrigo Duterte na nangako ng ligal na suporta sa mga pulis na nahaharap sa mga kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang at iba pang krimen.

Ang naturang batas ay isinulong ng mga kaanak ni Marcos na sina Sandro Marcos, Ferdinand Martin G. Romualdez, Yedda Marie K. Romualdez, at iba pang mga mambabatas. Lumusot ang panukalang ito sa House of Representatives noong Disyembre 2022 kung saan 248 ang bumoto pabor habang tanging tatlong kinatawan ng Makabayan ang tumutol. Lumusot naman ito sa Senado noong Enero kung saan 21 senador ang pumabor at walang tumutol.

Sa ilalim ng batas bibigyan ng “ligal na tulong” ang mga upisyal at tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine Coast Guard (PCG) sa lahat ng mga pagdinig sa kasong kriminal, sibil at adminsitratibo na mayroong kaugnayan sa kanilang pagseserbisyo. Kasama rin sa makakatanggap ng ganitong tulong ang mga retirado at honorably dischared na mga unipormadong tauhan ng estado.

Gamit ang pono ng bayan, libre silang makakatanggap ng konsultasyon, abugado, at iba pang tulong na kinakailangan sa pagharap sa korte. Halimbawa, gagastusan ng gubyerno para sa ligal na tulong ang mga pulis at sundalo na nasasangkot sa mga kasong pagpatay sa mga biktima ng gera sa droga, mga aktibista at iba pang karaniwang mamamayan.

“Pagdating sa pasistang panunupil, talagang pareho lang si Marcos kay Duterte,” ayon kay Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng PKP. Aniya, tulad ni Duterte ay inililigtas ni Marcos ang mga sundalo at pulis, laluna ang kriminal at tiwali sa kanilang hanay, sa kanilang ligal na mga pananagutan.

“Pagtatakip ito sa nagawa na at gagawin pang mga krimen at paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas ng AFP at PNP,” pahayag pa ni Valbuena.

Ang libreng serbisyong ligal ay kasunod sa pagbigay ni Marcos ng ₱200 dagdag sa arawang subsitence alawans ng mga sundalo. “Todo-todo ang panunuhol at pagpapabango ni Marcos sa militar at pulis para tiyakin ang katapatan ng mga ito sa kanya,” ayon kay Valbuena.

Gayunpaman, inihayag ni Valbuena na hindi nito maililigtas ang mga sundalo at pulis sa rebolusyonaryong hustisya. “Maisalba man sila ni Marcos sa reaksyunaryong mga hukuman, hindi sila makakawala sa hustisya ng rebolusyonaryong kilusan,” ayon sa kanya.

“Nakatala ang bawat krimen sa mamamayan, bawat pagyurak ng mga sundalo, pulis, paramilitar at kasabwat nilang mga armadong grupong kriminal sa karapatan ng mamamayan,” dagdag ni Valbuena. “Mananagot at mananagot sila sa bayan,” pagbabanta niya.

AB: "Free legal assistance" ni Marcos, pangdepensa sa kriminal na mga sundalo at pulis