Balita

Grupo ng mangingisdang Pilipino, lumahok sa pagkilos ng pandaigdigang samahan ng mga mangingisda

, ,

Lumahok sa pagkilos ng mga samahang mangingisda mula sa iba’t ibang bansa at rehiyon ng mundo ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa Brasília, Brazil noong Nobyembre 21 bilang paggunita sa World Fisheries Day. Pinangunahan ang aktibidad ng World Forum of Fisher Peoples (WFFP) kung saan kabilang ang 29 na mga organisasyon mula sa 23 na bansa.

Binigyang diin ng WFFP sa pagkilos nito ang pangangailangan suportahan ang maliitang-saklaw na pangingisda para tiyakin ang soberanya sa pagkain, biodiversity, at pagpapanatili sa kapiligiran. Nanawagan sila ng sistematikong pagbabago sa pandaidigang sistema ng pagkain, pagbaligtad sa naghaharing kapitalistang modelo ng ekonomikong pagpapalawak at pagkilala ng mga gubyerno sa kolektikong karapatan ng mga karaniwang mangingisda.

Sa pagkilos, itinampok ng mga kinatawan ng Pamalakaya ang mga isyu ng mangingisdang Pilipino kabilang ang mapanupil na Fisheries Code (Republic Act 10654), mga patakarang pabor sa liberalisasyon at importasyon, mapangwasak na mga proyektong reklamasyon at militarisasyon ng West Philippine Sea.

Upisyal ring sinarhan ng mobilisasyon ang ika-8 pangkalahatang asembleya ng WFFP mula Nobyembre 15-21. Pinagtibay ng mga samahan sa ilalim nito ang kanilang pagkakaisa para sa pagtatanggol sa karapatan ng mga mangingisda.

AB: Grupo ng mangingisdang Pilipino, lumahok sa pagkilos ng pandaigdigang samahan ng mga mangingisda