Hangganan ng Colombia at Venezuela, lubos nang bukas

,

Lubos nang binuksan noong Enero 1 ng Venezuela ang hangganan sa pagitan nito at ng Colombia bilang huling hakbang ng pagbabalik ng relasyong komersyal at diplomatiko sa pagitan ng dalawang bansa. Isinabay dito ang pagbubukas ng Tienditas International Bridge na nagdudugtong sa Tachira ng Venezuela at Nore de Santander ng Colombia. Ipinasara ang tulay noong 2019 ng presidente ng Venezuela na si Nicolas Maduro dahil sa pagtatangka ng US, at ng noo’y papet ng gubyerno ng US sa Colombia, na gamitin ito para panghimasukan ang bansa.

Una nang binuksan ng Colombia at Venezuela ang 2,200-kilometrong komun nitong hangganan noong Setyembre 26. Bago ang Tienditas, dalawa nang malalaking tulay ang ibinukas ni Maduro at pinahintulutan na ang pagtawiran ng mga mamamayan ng dalawang bansa. Noong Nobyembre, muli na ring nagsimula ang komersyal na biyahe ng eroplano sa pagitan ng dalawang bansa.

Naging posible ang lubos at mainit na pagbabalik ng relasyon ng dalawang bansa matapos manalo sa Colombia si Gustavo Petro, ang tinaguriang unang “maka-Kaliwang presidente” nito. Kinilala ni Petro si Maduro bilang lehitimong presidente sa Venezuela. Kabaliktaran ito sa sinundan niyang presidente na si Ivan Duque na nangayupapa sa US at tumangging kumilala sa eleksyong naghalal ay Maduro. Sa halip, kinilala ni Duque si Juan Guiado, ang tuta ng US na nagtangkang patalsikin si Maduro sa pamamagitan ng isang kudeta.

Noong Setyembre, idineklara ni Maduro na “makasaysayan” ang panunumbalik ng relasyon ng dalawang bansa na may “magkapatid na mamamayan.”

“Naibalik na ang dating pagkakapatiran,” deklarasyon ng meyor ng Andres Bello, isang bayan sa Colombia na malapit sa hangganan. Ayon sa ministro sa komersyo ng Colombia, hindi na hahayaan ng kanilang bansa na mangyari ulit ang pagsasara ng mga hangganan nito. Ang Venezuela ang pangalawang pinakamalaking merkado ng mga produktong Colombian.

AB: Hangganan ng Colombia at Venezuela, lubos nang bukas