Itigil ang panghihimasok sa Venezuela, panawagan ng mga grupong anti-imperyalista sa US
Naglunsad ng pagkilos ang mga aktibista sa US noong Agosto 9 para kundenahin ang rehimen ni Pres. Joseph Biden sa panghihimasok at pang-aapi nito sa Venezuela. Dala ang mga plakard na may panawagang “Hands off Venezuela! End all Sanctions,” panawagan nilang itigil na ng US ang panunulsol ng kudeta laban sa presidente ng Venezuela na si Nicolas Maduro at panggigipit nito sa ekonomya ng bansa. Ang pagkilos ay tugon sa panawagan ng ALBA Movimientos, Simon Bolivar Institute, Assembly of Carribean Peoples at International People’s Assembly.
Muling ipinaarangkada ng US ang panghihimasok nito sa katatapos lamang na eleksyong presidensyal ng Venezuela kung saan nanalo sa pangatlong pagkakataon si Maduro. Para makapanggulo, walang batayang idineklara ng US na “dinaya” ang eleksyon para ideklarang “panalo” ang hawak nitong oposisyon. Hayagang nananawagan ang oposisyong ito na patalsikin si Maduro at nanulsol ng mga protesta sa itinuturing ngayon ng Venezuela na isang “kudeta.” Kabilang sa aktibong ginagamit ng US at mga alipures nito sa Venezuela ang malaking midya para magkalat ng kasinungalingan at palabasing di lehitimo ang gubyerno sa bansa. Ang mga maniobrang ito ay hinarap ng malalaking rali ng mamamayang Venezuelan sa lansangan para itaguyod ang pagkapanalo ni Maduro sa eleksyon.
Para kontrahin ang mga kasinungalingan ng US na may layuning ihiwalay ang Venezuela sa buong mundo, nanawagan ang ALBA Movimientos sa lahat ng mga anti-imperyalistang grupo at kilusan na makilahok sa internasyunal na kampanya para sa demokrasya at soberansya ng Venezuela.
“Tunguhin (ng US) na ipalaganap ang ideya na di lehitimo ang kagaganap lamang na eleksyon sa Venezuela sa pamamagitan ng midya,” ayon sa grupo. “Hindi ito nakagugulat dahil bahagi ito ng “hybrid” na digma na pinaunlad ng US laban sa Venezuela.”
“Nais naming pasubalian ang mga pekeng balita at pinalalaganap na mga kasinungalingan, at sa pamamagitan nito, mabigyan ng kasangkapan ang rebolusyonaryong mga mamamayan at mga organisasyon sa labanan sa impormasyon at mga ideya tungkol sa Venezuela,” pahayag ng ALBA.
“Imposibleng hindi iugnay ang mga pangyayari sa Venezuela sa rehiyunal at internasyunal na heyopulitikal na konteksto, laluna ang natatanging pwesto nito sa produksyon ng langis sa mundo, at ang pagseserbisyo nito sa mamamayan, ang pwesto nito sa multipolar na mundo kasama ang mga umuusbong na mga bayan, at syempre, sa pamumuno nito sa rehiyunal na pagkakaisa at integrasyon ng Latin America at Carribean na patuloy na lumalaban sa mga kasunduan ng malayang kalakalan at nagbibigay buhay sa soberanya ng rehiyon laban sa mga pakana ng US,” pahayag ng grupo.
Noon pang Agosto 2 hiniling ni Maduro ang pag-awdit ng Korte Suprema sa resulta ng eleksyon para pawiin ang anumang pagdududa sa kanyang pagkapanalo. Bagamat buong automated ang sistemang eleksyon ng bansa, maaari itong iberipika at iawdit sa lahat ng antas, kapwa ng mga partidong kalahok sa eleksyon at mga botante.