Balita

15 milyong Venezuelan, nagpalista sa milisya laban sa bantang pagsalakay ng US

, ,

Milyun-milyong Venezuelan ang nagpalista mula noong huling bahagi ng Agosto bilang tugon sa panawagan ng gubyerno na muling itayo ang Bolivarian Militia para harapin ang pananakot at bantang pananalakay ng US. Balak ng presidente ng bansa na si Nicolas Maduro na makatipon ng hanggang 4.5 milyong bagong boluntir para matiyak na nasasaklaw ang buong pambansang teritoryo ng mga milisya na “handa, aktibo at armado.” Ayon sa isang panayam noong Oktubre 24 kay Carlos Ron, dating ministro para sa ugnayang panlabas ng Venezuela at kasalukuyang negosyador nito sa US, umabot na sa 15 milyon ang nagboluntaryo para sa programa.

Ang mga boluntir ay ipinaiilalim sa mga pagsasanay, kadalasan tuwing Sabado at Linggo. Itinuturo sa kanila ang paggamit ng batayang mga armas, gayundin ang paggampan ng mga gawain sa lohistika at suportang medikal. Nagbubunga ang mga pagsasanay sa mas mahigpit na pagkakaisa ng mamamayan laban sa eksternal na banta.

Ayon kay Ron, batid ng mga Venezuelan na ginagamit ng presidente ng US na si Donald Trump ang huwad na kampanya para sugpuin ang drug trafficking para manghimasok sa kanilang bansa at tangkain ang “regime change” o pagpapalit kay Maduro bilang presidente at pagluluklok sa maka-US na oposisyon. Kinundena nila ang walang patumanggang pagpapasabog ng mga bangka sa internasyunal na karagatan nang walang due process o nararapat ligal na proseso. Ni hindi Venezuelan ang karamihan sa napapatay sa mga pagsabog, kundi mga galing sa Trinidad and Tobago, Colombia, at Ecuador. 

Liban sa mga pagpapasabog, nagsasagawa rin ng mga atake, panggigipit at detensyon ang US sa mga mangingisda at iba pang sibilyang sasakyang pandagat.

Nito namang Oktubre, inanunsyo ni Maduro ang muling pagbubuo (reactivate) sa Simon Bolivar Internationalist Brigades, isang internasyunal na pwersa para ipaglaban ang kapayapaan sa Venezuela.

“Nakatanggap kami ng mga mensahe ng pakikiisa mula sa kabuuan ng Latin America at Carribean, Africa, US, Asia at Europe mula sa mga lider…na sila rin ay nagpapalista sa binubuong Simon Bolivar Internationalist Brigades para magbigkis at lumaban kasama ang Venezuela para sa independensya, soberanya at kapayapaan,” pahayag ni Maduro.

Isa sa naghanda nang magpadala ng “mga brigada ng mga aktibista” ang Landless Rural Workers’ Movement (MST) ng Brazil.

Samantala, nakiisa ang mga progresibong organisasyong Pilipino sa paglaban ng Venezuela. Sa pangunguna ng Philippines-Bolivarian Venezuela Friendship Association, ginanap ngayong araw, Oktubre 30, ang isang porum sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) na may temang “Confronting Hegemony, Forging Sovereignty: A Global South Stand Against US Militarism and War on Venezuela.” Panauhin ng porum si Richard Espinoza Lobo, Chargé d’Affaires ng embahada ng Bolivarian Republic of Venezuela sa Pilipinas.

“Matatag na naninindigan ang Philippines-Bolivarian Venezuela Friendship Association kasama ang mamamayang Venezuelan,” dekalara ng organisasyon. “Kinikilala namin na ang kanilang pakikibaka ay pakikibaka rin namin—na ang mga pwersang umaatake sa Venezuela ay iyon rin ang nagsasamantala at nang-aapi sa mamamayang Pilipino.”

Panawagan nila sa mamamayan sa daigdig na kundenahin ang imperyalistang opensiba sa Venezuela.

“Kailangan nating isiwalat ang mga kasinungalingan, baguhin ang naratiba, at labanan ang makinarya sa digma at pagsasamantala,” ayon sa grupo. “Kailangan nating igiit na tapusin na ang lahat ng sangsyon (sa Venezuela), palayasin ang mga dayuhang tropa, at kilalanin ang karapatan ng Venezuela sa sariling pagpapasya.”

AB: 15 milyong Venezuelan, nagpalista sa milisya laban sa bantang pagsalakay ng US