Hatol na guilty sa cyberlibel kontra sa mamamahayag sa Baguio, inalmahan

Kabi-kabilang pagkundena ang sumalubong sa hatol ng isang korte sa Quezon City noong Disyembre 12 na “guilty beyond reasonable doubt” sa mamamahayag na si Frank Cimatu sa kasong cyberlibel. Ayon sa mga mamamahayag, hindi katanggap-tanggap ang hatol na ito at pinagtitibay ang “chilling effect” na kinahaharap ng mga mamamahayag sa bansa.

Naglabas ng kani-kanyang pahayag ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), Altermidya Network at grupo ng mga mamamahayag pangkampus na College Editors Guild of the Philippines na kumundena sa kaso at sumusuporta sa laban ni Cimatu.

Si Cimatu, mamamahayag na nakabase sa Baguio City, ay sinampahan ng kasong cyberlibel ni Emmanuel Piñol, dating kalihim ng Department of Agriculture, dahil sa kanyang Facebook post laban sa kalihim. Sinulat ni Cimatu sa kanyang Facebook noong Setyembre 2017 na: “Agri Sec got rich by 21 M in 6 months (Yumaman ang Agri Sec ng ₱21 M). Bird flu pa more.”

Hinatulan si Cimatu ng higit limang taong pagkakakulong. Pinagbabayad din siya ng ₱300,000 danyos kay Piñol.

Sa pahayag ng Altermidya Network, sinabi nitong muling pinatatampok ng kaso ni Cimatu kung bakit dapat i-decriminalize o hindi ituring na krimen ang libel. “Hindi na natin dapat hinatayin na mayroong isa pang mamamahayag…o sinumang mamamayan na nagpapahayag ng saloobin ang makulong sa libel,” ayon sa pahayag nito sa wikang English.

Dagdag pa nila, ginagamit umano ang libel para ikulong ang mga mamamahayag at atakehin ang batayang mga prinsipyo ng pamamamahayag–pananagutan, katotohanan at patas na pagkokomento. Paninindigan nila, ang paggamit sa libel para labagin ang karapatan sa pamamahayag ay nagtataguyod sa kultura ng kawalang pakundangan at pagsesensor.

Nagpahayag naman ng suporta ang NUJP sa plano ni Cimatu na iapela ang desisyon ng korte. Naniniwala ang grupo na ang kalayaan sa pagpapahayag at malayang pamamahayag ay pinakamahalaga laluna sa usapin ng pakikipag-ugnayan sa mga pampublikong upisyal.

Patuloy ang paggigiit ng iba’t ibang grupo ng mga mamamahayag na ibasura ang libel at cyberlibel.

AB: Hatol na guilty sa cyberlibel kontra sa mamamahayag sa Baguio, inalmahan