"Health workers run," inilunsad para sa dagdag-sweldo
Nagsama-sama ang mga manggagawang pangkalusugan sa inilunsad na “Health Workers Run for Salary Increase” sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City noong Oktubre 26 para ipamalas ang kanilang pagkakaisa sa panawagang dagdag-sweldo. Sa aktibidad na ito, sama-samang tumakbo ang mga manggagawang pangkalusugan sa palibot ng naturang parke.
“Sa harap ng sumisirit na presyo ng mga bilihin at yutilidad, maraming manggagawang pangkalusugan ang hindi na makaagapay,” ayon sa Alliance of Health Workers (AHW).
Bitbit ang kanilang mga bandila at balatengga, iginiit ng mga manggagawang pangkalusugan ang ₱33,000 entry salary sa lahat ng manggagawang pangkalusugan na pareho sa mga pampubliko at pribadong ospital.
“Ang buwanang sweldo ng salary grade 1 na manggagawang pangkalusugan sa pampublikong ospital ay nasa ₱13,000 lamang. Kakaltasan pa ito ng mga sapilitang bayarin tulad ng GSIS, PhilHealth at Pag-ibig,” ayon sa AHW. Habang nagtaasan lahat ng mga bilihin, pamasahe at singil sa mga yutilidad, nananatili namang mababa ang sweldo ng mga manggagawang pangkalusugan sa bansa, anila.
“Habang tuluy-tuloy ang pagbibigay ng serbisyo ng mga manggagawang pangkalusugan sa mga pasyente, pinapatay naman tayo ng gubyerno sa mababang sahod, kakulangan ng mga tauhan na nagreresulta sa labis-labis na trabaho natin, nahuhuli at hindi pagbibigay ng benepisyo at pagkakaltas-pondo sa kalusugan,” ayon kay Robert Mendoza, pambansang pangulo ng AHW.
Bago ang naturang aktibidad, nagsagawa ng pagkilos at noise barrage ang mga manggagawang pangkalusugan ng Philippine Orthopedic Center (POC) at National Children’s Hospital (NCH) noong Oktubre 23. Kabilang ito sa tuluy-tuloy na serye ng protesta at pagkilos ng sektor para sa dagdag-sweldo at mga benepisyo.