Hindi pagbabayad ng AFP sa sweldo ng mga CAFGU sa Mindoro, inireklamo
Nagreklamo ang mga elemento ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) sa isla ng Mindoro dahil sa ilang buwan nang naantalang sweldo na dapat nilang natatanggap sa pagtatrabaho. Apat na buwan nang hindi pinasusweldo ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga CAFGU na nagpapahirap sa kanila at kanilang pamilya.
Ayon sa reklamo, hindi pa binabayaran ang kabuuang halaga ng kanilang sweldo para sa mga buwan ng Pebrero at Marso habang wala pang ni piso ang ibinabayad sa kanila para sa Abril at Mayo. Wala pa rin umano silang natatanggap na differential pay. Sumasahod ang mga CAFGU sa Mindoro ng ₱12,500 kada buwan.
“Gutom na ang pamilya nila, kawawa naman,” pagbabahagi ni Fred,* nag-ulat sa kalagayan ng mga CAFGU. Ganito rin ang reklamo ng iba pang mga CAFGU na naglabas ng kanilang hinaing sa mga komento sa Facebook.
Pagdadahilan sa kanila ng mga “handler” na sundalo ng AFP, hindi umano kinaya ng bangko na ilabas ang buong pondo para sa kanilang sweldo. “Eh aprubado na ang badyet,” pagtataka ni Fred. Dagdag pa niya, kalunus-lunos ang kanilang kalagayan laluna at mga katutubo pa ang iba.
Nag-alinlangan pa si Fred sa pagbabahagi ng kalagayan ng mga CAFGU sa Mindoro dahil sa posibilidad na pag-initan sila ng mga sundalo. Himutok niya, “ang korap nila…ang kanilang bulok na sistemang umiiral sa pasahod ng mga CAFGU.”
Noong 2022, naiulat rin ang sapilitang rekrutment sa mga katutubong Mangyan para sumali sa CAFGU. Kinundena ito ni Ka Madaay Gasic, tagapagsalita ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro (Lucio de Guzman Command).
“Marapat na mahigpit na tutulan at kundenahin ng mamamayang Mindoreño at buong sambayanan ang sapilitang CAFGU rekrutment ng mga katutubong Mangyan na paglabag sa karapatang-tao at karapatan sa pagpapasya-sa-sarili,” pahayag ni Ka Madaay noong Marso 2022.
Liban sa naturang mga usapin, kumakaharap din sa iba pang tipo ng pang-aabuso at pagsasamantal ang mga CAFGU mula sa mga sundalo ng AFP. Madalas silang napag-iinitan at ginagawang “punching bag.” Minumura at binubugbog sila sa tuwing may nagagawang pagkakamali o hindi nagustuhan ng kanilang kumander ang kanilang sagot. Mala-alipin ang turing sa kanila ng mga ito.
Patuloy ang panawagan ni Ka Madaay sa mamamayan ng Mindoro at mga katutubong Mangyan na talikuran ang CAFGU at ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Aniya, “walang ibang daang hinahawan ang kasalukuyang krisis sa hanay ng katutubong Mangyan kundi ang daan ng pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba!”
Ang CAFGU ay isang pwersang paramilitar ng AFP na nakatuon sa kampanyang kontra-insurhensya sa kanayunan. Itinatag ito noong Hulyo 25, 1987 sa bisa ng Executive Order No. 264 ng rehimeng Corazon Aquino bilang bahagi ng estratehiyang “clear, consolidate, hold and develop” upang labanan ang insurhensya.
Binubuo ang CAFGU ng mga reservist at mga lokal na residente na sinanay at inorganisa upang suportahan ang mga regular na sundalo ng AFP sa pagsupil sa mamamayan sa mga lugar na pinaghihinalaang malakas na sumusuporta sa BHB. Karaniwan silang ipinambabala ng AFP sa mga operasyon nito laban sa BHB.
___
(1) *Hindi tunay na pangalan.