Balita

Hustisya sa pinatay na empleyado ng NIA-10, ipinanawagan ng mga unyon

,

Nagpahayag ng pagkikidalamhati at nanawagan ng hustisya ang National Federation of Employees’ Associations of the Department and Agencies in Agriculture (Nafeda-Courage) at Confederation for Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees (Courage) sa brutal na pagpatay kay Niruh Kyle Antatico noong Oktubre 10 sa Barangay Patag, Cagayan de Oro City. Pinagbabaril ng dalawang tao na sakay ng motorsiklo si Antatico habang siya ay nasa loob ng sasakyan.

Si Antatico ay isang dating senior legal researcher sa National Irrigation Administration (NIA) Region 10 na sinasabing nagsiwalat ng napakaraming katiwalian at anomalya sa loob ng ahensya kabilang ang nawawalang pondo, substandard na proyekto, at mga pekeng kontrata. Simula pa 2024, nakatatanggap na ng mga death threat si Antatico dahil sa kanyang pagsasalita.

Ayon sa Nafeda-Courage, ang pagpatay ay isang karumal-dumal na krimen sa isang lingkod-bayan na buong tapang na ginampanan ang kanyang tungkulin upang ipagtanggol ang katotohanan at kapakanan ng mga magsasaka. “Ang kanyang pagkamatay ay isang malinaw na pag-atake sa integridad, katapatan, at katarungan na dapat pinangangalagaan sa serbisyo publiko,” anito.

Dagdag pa ng grupo, ang sinapit ni Antatico ay hindi lamang trahedya sa kanyang pamilya, kundi isang malalim na sugat sa hanay ng mga empleyado sa sektor ng agrikultura. Nanawagan ang unyon ng agaran at masusing imbestigasyon sa pagpatay kay Antatico at pagpapanagot sa lahat ng mga responsable.

“Huwag hayaang manaig ang takot at kawalang-katarungan,” pahayag nito. Para sa grupo, ang bawat araw na lumilipas nang walang hustisya ay dagdag na pasakit sa pamilya ng biktima at sa lahat ng mga lingkod-bayan na nagsusumikap ng tapat.

Ayon sa pambansang upisina ng Courage, mahigpit silang umaasa na sa kabila ng brutal na karahasang ito laban kay Antatico ay hindi mapatatahimik o masisindak ang mga kawani ng gubyerno. “Sa halip ay higit pang lumakas ang loob para ilantad ang malawakang korapsyon sa mga upisina ng gubyerno,” anito.

Panawagan ng Nafeda-Courage: “Hindi dapat mabalewala ang sakripisyo ni Niruh Kyle Antatico.”

AB: Hustisya sa pinatay na empleyado ng NIA-10, ipinanawagan ng mga unyon