Iba't ibang grupo ng mga mangingisda, nagmartsa para ipagtanggol ang municipal waters
Sama-samang nagmartsa ang ilandaang mangingisda, kanilang mga tagasuporta at tagapagtaguyod ng kalikasan sa España Boulevard patungo sa Mendiola sa Maynila noong Mayo 30, isang araw bago ang Pambansang Araw ng Mangingisda. Nanawagan sila ng pagtatanggol sa karapatan ng mga mangingisda, pagtutol sa reklamasyon, at pagbawi sa hatol ng Korte Suprema hinggil sa 15-kilometrong municipal waters.
Noong Disyembre 2024, naglabas ng hatol ang Korte Suprema na pinahihintulutang makapangisda ang malalaking kumpanya at negosyo sa municipal waters (karagatang saklaw ng 15 kilometro mula sa baybay). Dati nang naninindigan ang mga mangingisda kontra dito dahil pipinsalain nito ang kabuhayan ng nasa 2 milyong mamamalakaya.
Anila, hindi kayang makipagkumpetisyon ang maliliit na mangingisda na gumagamit ng tradisyunal at manwal na mga pamamamaraan ng paghuli ng isda sa mga abante, at kadalasan ay mapaminsala, na mga kagamitan at teknolohiya ng komersyal na mangingisda. Dahil sa abanteng kagamitan, mabilis na nasasaid ng malalaking barkong pangisda ang lahat ng klase ng yamang-dagat.
Kabilang sa lumahok sa martsa ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) at mga balangay nito mula sa mga prubinsya. Dumalo rin ang Katipunan ng mga Kilusan ng mga Artisanong Mangingisda sa Pilipinas (KKAMPI), Pambansang Katipunan ng mga Samahan sa Kanayunan (PKSK), Pagkakaisa ng mga Samahan ng Mangingisda (PANGISDA), Samahan ng mga Maliliit na Mangingisda Aniban ng Manggagawa sa Agrikultura (SAMAMA-AMA), Pambansang Kilusan ng mga Samahang Magsasaka at Mangingisda (PAMANGKA-PAKISAMA), Philippine Alliance of Tuna Handliners for Sustainability (PATHS), Tanon Strait Fisherfolks Alliance, at Visayan Sea Fisherfolk Alliance.
“Muling nagsama-sama ang iba’t-ibang pederasyon at asosasyon ng mga maliliit na mangingisda para sa nagkakaisang layunin na itaguyod ang karapatan sa kinse kilometrong munisipal na pangisdaan. Wala pa ring tugon si Pangulong Marcos sa mahigpit na pagtutol namin sa desisyong ito ng Korte pabor sa mga commercial fishing,” pahayag ni Salvador France, pangkalahatang kalihim ng Pamalakaya.
Dagdag pa ng lider-mangingisda, “paano pag nawala ang maliliit na mga mangingisda? Aasa tayo sa imported? Hindi kami papayag. Dapat managot ang pamahalaan. Lalaban kami para maibalik ang kinse kilometros para sa mga maliliit na mangingisda.”
Nakiisa rin sa pagkilos nila ang mga grupong maka-kalikasan tulad ng Oceana, Greenpeace Philippines, at Save Verde Island. Binatikos nila ang mga mapangwasak na mga proyekto ng gubyerno at malalaking pribadong negosyo na sumisira sa marine biodiversity ng bansa.
Sa kabila ng mapayapang martsa-protesta, hinarang sila ng hilera ng alambre at kapulisan upang pigilang makaabot sa Mendiola Peace Arch.