Ika-10 anibersaryo ng Araw ng Kawalan ng Lupa, ginunita ng mga magbubukid
Ginunita ng mga magbubukid sa Pilipinas, kaisa ng mga magbubukid sa Asia, Latin America at Africa, ang ika-10 anibersaryo ng Araw ng mga Walang Lupa o Day of the Landless (DOTL) noong Marso 29. Ang paggunitang ito ay itinakda ng Asian Peasant Coalition (APC) para bigyang-diin ang mga pakikibaka ng mga komunidad sa kanayunan para sa ligtas na akses sa lupa. Binibigyang-diin din ng araw na ito ang kahalagahan ng mga karapatan sa lupa at ang mga hamon na hinaharap ng mga magsasaka at magsasaka sa buong mundo, kasama ang mga usapin na may kaugnayan sa imperyalismo, pang-aagaw sa lupa, at pangwawasak sa kapaligiran.
Sa okasyong ito, inianunsyo ng KMP ang buong-taon nitong kampanya para sa tunay na reporma sa lupa, na kaugnay rin sa pagdiriwang sa ika-40 taong anibersaryo ng organisasyon. Kabilang sa mga aktbidad na ito ang katatapos lamang na kampuhan ng mga magsasaka mula sa Central Luzon laban sa pagpapalit-gamit ng mga lupang agrikultural at pasismo laban sa mga magsasaka. Naitatag ang samahan sa gitna ng pasistang diktadura ni Ferdinand Marcos Sr noong Hulyo 1985.
Sa kabila ng deka-dekadang “reporma sa lupa” ng reaksyunaryong estado, lalong lumalaganap ang kawalan ng lupa sa Pilipinas. Ayon mismo sa mga datos nito, bumagsak ang bilang ng mga parsela ng lupa na buong pinag-mamay-ari ng mga magsasaka at malaking mayorya sa kanila ay walang sariling lupa.
Sa datos na inilabas ng Ibon Foundation, 7 sa 10 parsela ng sakahan o 6.1 milyon ay hindi buong pagmamay-ari ng mga nagbubungkal dito, at 2.4 milyon lamang sa mga magsasaka ay buong nagmamay-ari ng kanilang mga sakahan. Mula 3.6 milyon noong 2012, ang bilang ng mga magsasaka na buong nagmamay-ari ng kanilang lupa ay bumagsak sa kasalukuyan sa 1.5 milyon hanggang 1.6 milyon. Nasa 78.2% ng mga pamilyang nasa agrikultura ang walang lupa, at 4.3 milyon lamang ang may tiyak na pag-aari o karapatan sa lupang kanilang sinasaka.
Sa araw na ito, pinagtibay ng mga magbubukid ang kanilang anti-imperyalistang pusisyon at pagkilala sa kahalagahan ng pakikibaka ng mga magsasaka para sa lupa, pagkain at hustisya. Malinaw sa kanila ang mga atake ng imperyalismo sa mahihirap na bansa, ay “nagreresulta sa matinding kahirapan, nagpalayas sa milyon-milyong mahihirap sa kanayunan mula sa kanilang mga bahay at komundad, at pumigil sa pag-unlad bilang mga bansa.”
Pumirma sa isang pahayag ang mga organisasyon ng magbubukid mula sa India, Pakistan, Malaysia, Canada, Thailand, Belgium, Indonesia, Palestine, Zambia, Cameroon, the United Kingdom, the Philippines, USA, Mozambique, South Africa, Bangladesh, the Democratic Republic of Congo, Tunisia, Egypt, Sri Lanka, Papua New Guinea, Australia, the Netherlands, Cambodia, Malawi, Kenya, at Mongolia.
“Inirerehistro namin ang aming kolektibong pagtutol at paglaban sa mga gera at militarismong pinangungunahan ng US, sa pagpapalawak ng pang-aagaw ng mga kumpanya at pribadong sektor sa mga rekurso ng mundo tulad ng mga lupa at katubigan, at ang kooptasyon ng mga solusyon para sa climate-recovery,” ayon sa pinirmahang pahayag ng mga magbubukid.
Tinutulan nila ang henosidyo ng Israel sa Gaza na suportado ng US, at ang “pivot” ng US sa Asia na anito’y paghahanda sa rehiyon para sa gera laban sa China. Kinundena nila ang mga neoliberal na patakaran ng kani-kanilang mga estado, ang pagpapailalim sa kanilang mga komunidad sa militarisasyon at pang-aagaw sa kanilang mga lupa sa tabing ng kunwa’y mga green project o proyektong pang-ekolohiya, pagmimina ng mga kritikal na mineral at pagkopo ng mga pribadong kumpanya sa produksyon ng pagkain.
Samantala, ginunita ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) ang DOTL ngayong taon sa pamamagitan ng pagbibigay ng atensyon sa nagaganap na kawalang lupa at pang-aagaw ng lupa sa Latin America.