Ika-41 Peoples' Cordillera Day: Panawagan para sa karapatan, kalikasan, at katarungan
Mahigit 1,000 katao ang nakiisa sa ika-41 na Peoples’ Cordillera Day na idinaos sa Baguio City noong Abril 24. Muling pinagtibay ng mga kalahok ang matagal nang laban ng mamamayang Cordilleran para sa sariling pagpapasya, pangangalaga sa kalikasan, at pagtatanggol sa karapatang-tao. Ang taunang paggunita, na sinimulan noong 1985 bilang Macli-ing Memorial Day, ay nagbibigay-pugay sa katapangan ng mga martir ng Cordillera at nagpapatuloy na kilusan para sa kalayaan at demokrasya.
Dumalo sa pagtitipon ang mga delegato mula sa lahat ng mga prubinsya ng Cordillera, pati na mula sa National Capital Region, Central Luzon, Mindanao at maging mula sa ibayong-dagat. Pinirmahan nila ang isang deklarasyon ng pagkakaisa para pangalagaan ang kalikasan, ipagtanggol ang lupang ninuno at igiit ang mga karapatan ng minoryang mamamayan.
Isang bahagi ng programang pangkultura ang iginugol sa paggunita sa ikalawang taong sapilitang pagkawala nina Dexter Capuyan at Bazoo de Jesus, mga aktibistang tagapagtanggol ng karapatan ng mga minorya.
“Sa ika-41 Peoples’ Cordillera Day, maninindigan tayo at ipagpapatuloy ang laban sa patuloy at tumitiding banta sa Cordillera para sa kasalukuyan at susunod na henerasyon,” panata ng mga kalahok sa aktibidad. Kabilang sa mga bantang ito ang malawakang pagmimina, mga proyektong renewable energy, at panggigipit ng estado, na lahat ay isinusulong sa ngalan ng “kaunlaran” at “green solutions.”
Isa sa mga pinaka-kontrobersyal na usaping kinakaharap ng rehiyon ang Makilala Mining Company, pag-aari ng Australyanong Celsius Resources, na target ang mga barangay sa Pasil, Kalinga. Noong Marso 2024, binigyan ng gubyerno ni Marcos Jr. ang kumpanya ng Mineral Production Sharing Agreement (MPSA), kasunod ng ₱4.42 bilyong puhunan mula sa Maharlika Investment Corporation.
Mariin itong tinutulan ng mga residente at minoryang mamamayan. Mahigit 100 residente mula Tabuk at Pasil ang lumagda sa isang unity statement laban sa pagmimina, na nagbabanta sa Upper Chico River Irrigation System at mga lupang ninuno. Isang residente ng Kalinga ang naghayag, “Mananatili kaming mapagbantay laban sa dayuhang kumpanyang ito hangga’t hindi sila umaalis sa aming komunidad.”
Sa umaga ng Abril 24, nagtungo ang mga residente mula sa upisina ng National Commission on Indigenous Peoples sa Magsaysay Avenue sa Baguio City para ipanawagan ang pagwawalambisa sa aplikasyon at pagpapatigil sa operasyon ng Makilala Mining.
Matindi rin ang banta ng mga “green project” sa kalikasan at komunidad. Kabilang dito ang inaprubahan ng gubyernong Marcos na 108 renewable energy projects sa rehiyon-kabilang ang mga hydropower, geothermal, solar, at wind farm. Inilalako ang proyektong ito bilang “alternatibong mapagkukunan ng enerhiya,” pero ang totoo, nagdudulot ito ng malawakang pagkalbo ng kagubatan, pagkawala ng tirahan, at panganib sa katiyakan sa pagkain. Isa rito, ang 2,000-MW pumped storage project ng SM Investments Corporation sa Pudtol, Apayao, ay nagbabanta sa ika-apat na UNESCO Biosphere Reserve.
Ayon sa Cordillera Peoples Alliance (CPA), “Hindi kami tumigil o sumuko. Nanatili tayong CPA at mga taong patuloy na lumalaban. Ito ang tunay na pagpapakita ng aming karapatan: ang karapatang lumaban, ang pagtatama ng kasaysayan, at ang determinasyong tapusin ang bulok na sistema.”
Kasabay ng pagkasira ng kalikasan, tumindi rin ang atake ng estado sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao at lider-katutubo. Kabilang dito ang Red-tagging, pagsasampa ng gawa-gawang kaso, sarbeylans, at panggigipit ng militar. Bilang tugon, ipinasa ng Baguio City ang Human Rights Defenders Ordinance, na kinikilala ang lungsod bilang “human rights city.”
Sa kabila ng mga pagsubok, patuloy ang paglaban ng mga komunidad. Noong Mayo 2024, nagbarikada ang mga small-scale miners sa Itogon laban sa pagpapalawak ng malalaking kumpanya, habang sa Abra, hinarang ng mga residente ang operasyon ng dayuhang kompanya, na nagbunsod sa pagbuo ng anti-mining coalition.
Sa pagtatapos ng People’s Cordillera Day, inihayag ng kalahok ang kanilang suporta sa 11 kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan. Ayon sa pahayag ng CPA, “Maaaring sabihing paulit-ulit na lamang ang mga panawagan, ngunit inuulit namin ito dahil hindi pa rin nagbabago ang kalagayan. Hangga’t hindi ito nagbabago, patuloy naming igigiit ang aming karapatan, magpupunyagi sa laban, at isusulong ang tunay na pagbabago.”
Inilunsad ang Meeting de Avance ng koalisyon sa Malcolm Square sa Baguio City, sa ilalim ng panawagang Laban Amianan.
Ang ika-41 Peoples’ Cordillera Day ay patunay ng tibay at pagkakaisa ng mga mamamayan ng Cordillera sa pagtatanggol ng kanilang lupa, karapatan, at kinabukasan. Liban sa Baguio City, idinaos din ang Cordillera Day sa Metro Manila, Tabuk City at Hong Kong.