Balita

Ika-60 anibersaryo ng Kabataang Makabayan, ipinagdiwang

, ,

Naglunsad ng iba’t ibang aktibidad ang mga balangay ng Kabataang Makabayan (KM) para ipagdiwang ang ika-60 anibersaryo ng rebolusyonaryong organisasyon noong Nobyembre 30. Sa loob ng anim na dekada, itinanghal ng KM ang watawat ng pambansang demokrasya at pinalaganap ang mga panawagan para sa tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, kulturang siyentipiko at pangmasa, demokrasyang bayan at iba pang mga kagyat na kahingian ng sambayanang Pilipino.

Sa Metro Manila, pinangunahan ng KM-Lucille Gypsy Zabala (KM-LGZ) ang oplan pinta-oplan dikit (OP-OD) sa mga lansangan sa pambansang sentro. Panawagan ng balangay sa inilabas nitong pahayag na ubos-kaya at tuluy-tuloy na ilunsad ang malawakang kilusang masa, pagbibigay suporta sa BHB at ang pakikibaka para sa rebolusyong agraryo.

Hinikayat ng KM-LGZ ang mga kabataan, partikular ang mga manggagawa at intelektwal, na mag-ambag sa pagsusulong ng digmang bayan bilang tugon sa lumalalang krisis na dala ng imperyalismo, pyudalismo, at burukratang kapitalismo. “Nagpapatuloy ang mga kabataan sa rehiyon na nasa unahan ng pakikibaka para igiit ang karaingan ng sambayanan sa kabila ng pinaigting na militarisasyon sa mga paaralan at komunidad na bahagi ng mga kontra-insurhensiyang pakana ng AFP-PNP at ng rehimeng Marcos Jr.,” pahayag ng balangay.

Sa Polytechnic University of the Philippines (PUP)-Sta Mesa, nagsagawa ng OP-OD ang mga kasapi ng KM-Balangay Kira Mindoro sa loob ng kampus. Hinimok ng balangay ang mga kapwa estudyante nito na sumapi sa KM at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Naglabas din ang balangay ng isang polyeto na naglaman ng impormasyon hinggil sa KM at kanilang pahayag para sa anibersaryo. Muling kinilala ng balangay ang mga martir na kabataan mula PUP na nagbuwis ng buhay para sa bayan bilang mga Pulang mandirigma sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

Sa Quezon, isinagawa ng KM-Balangay Dani Lagrima ang OP-OD sa araw ng pagbisita ni Ferdinand Marcos Jr sa prubinsya noong Nobyembre 29. “Marapat lamang na laging ipaalala [kay Marcos Jr] na nanatili ang kapasyahan ng mga kabataan na durugin ang estadong nagpapalaganap ng bulok na sistema,” anang balangay.

Anito, paraan din ang kanilang aktibidad para basagin ang hibang at pekeng deklarasyon ng “kapayapaan” ng 2nd ID at lokal na gubyerno sa Quezon. Idineklarang “insurgency-free” ang prubinsya noong Hunyo 2023. Sa kabila nito, nananatiling umiiral ang BHB at iba pang rebolusyonaryong organisasyon, sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, sa buong Quezon.

Nangako ang balangay na tutumbasan ang malawakang pagpapanibagong lakas ng BHB upang makapagpasampa ng libu-libong mga kabataan na isusulong ang digmang bayan sa mas mataas na antas. “Tanging armadong pakikibaka lamang ang tutugon sa malubhang krisis na kinakaharap ng kabataan sa edukasyon at kabuhayan,” anito.

Sa Cebu City, nagsagawa rin ng OP-OD ang mga kasapi ng KM-Cheene Dacalos sa loob ng University of the Philippines-Cebu. Nag-imprenta rin ang balangay ng mga polyeto na inilagay nito sa iba’t ibang parte ng kampus para mabasa ng mga estudyante.

Pagbati mula sa PKP, mga alyado sa NDFP

Nagpaabot ng pagbati sa ika-60 na anibersaryo ng KM ang Partido Komunista ng Pilipinas at mga balangay ng Artista at Manunulat ng Sambayanan (Armas). Nanawagan ang Komite Sentral ng Partido sa mga makabayan at rebolusyonaryong kabataan na magtungo sa kanayunan, sumapi sa BHB at lumahok sa digmang bayan.

“Higit kailanman, kailangang kailangan ng mga kabataan, laluna ng mga kabataang manggagawa at mga kabataang intelektwal, na mag-ambag ng kanilang kakayahan sa pagpapalakas ng hukbong bayan, upang higit itong maging epektibong sandata ng paglaban at pagtatanggol ng bayan sa harap ng walang kapantay na terorismo ng reaksyunaryong estado,” ayon pa dito.

Samantala, nagsagawa rin ng OP-OD ang Armas-Balangay Marlon Caacbay sa Metro Manila at ang balangay ng Armas sa Cebu bilang pagbati sa alyadong organisasyon nito sa ilalim ng National Democratic Front of the Philippines. Pinagpugayan rin sila ng mga yunit at kumand ng BHB at mga balangay ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid.

AB: Ika-60 anibersaryo ng Kabataang Makabayan, ipinagdiwang