ILPS-Asia Pacific, nananawagan ng agarang pagtigil ng sigalot ng India at Pakistan
Nanawagan ang International League of Peoples’ Struggle-Asia and Pacific (ILPS-AP) para sa agarang pagtigil ng sigalot sa pagitan ng India at Pakistan.
Noong Mayo 7, umabot sa 31 ang patay at 57 ang nasugatan mula sa “surgical strike” ng gubyerno ng India sa matataong lugar ng Pakistan, Jammu at Kashmir sa tinawag na Operation Sindoor ng India. Ayon sa gubyerno ng India, hindi bababa sa 15 sibilyan ang namatay at 43 ang nasugatan sa ganting pag-atake ng Pakistan.
Nanawagan ang ILPS na “dapat magkaroon ng agarang pagbawas ng pag-atake ang magkabilang panig.”
Anito, “dinodominahan ng mga tagasulsol ng gera sa magkabilang panig ang diskurso, inuudyok ang interes ng mga sekta, kabilang ang anggulong relihiyon, sa kapahamakan ng mga mamamayan.”
Dagdag rito, bilang tagasuplay ng armas ng India, iniimpluwensyahan ng US ang tunggalian para sa estratehikong bentahe nito tulad ng Quad Military alliance. Ang US rin ang nagpapayo sa India hinggil sa ipinapataw na taripa nito sa China.
“Ang doktrinang mata-sa-mata ay magpapabulag lamang sa lahat at pawang mga sibilyan lamang ang namatay at nasugatan mula sa mga aksyong militar. Dapat mapakinggan at matugunan ang panawagan para sa kapayapaan ng mga mamamayan,” dagdag ng ILPS.
Kinukundena rin ng grupo ang mga pag-atake sa mga sibilyan, kabilang ang atakeng pumatay sa 26 na sibilyan noong Abril 22 sa Pahalgam, sa Jammu at Kashmir. Nananawagan din ito ng tunay na kalayaan at karapatan sa sariling pagpapasya para sa mamamayan ng Kashmir. Anito, okupasyon at pandarambong ang ugat ng tunggalian at karahasan sa loob ng Kashmir.
Ang mga panig na imbwelto sa kasalukuyang aksyong militar ay inaasahan ng ILPS-AP na ititigil ang labanan, babawasan ang tensyon ng sitwasyon at magkakasundo para makabuo ng solusyong pampulitika sa nagpapatuloy na krisis sa subrehiyon ng South Asia.
Sinusuportahan din ng grupo ang mga pagkilos ng mga manggagawa at magsasaka sa India, Jammu at Kashmirm at Pakistan para igiit ang pagtigil ng labanan at para sa tunay na solusyong pampulitika.