Balita

Imbestigasyon ng International Criminal Court sa mga krimen laban sa sangkatauhan ni Duterte, posibleng masisimulan na

Pormal na humingi ng awtorisasyon si Fatou Bensouda, punong prosecutor ng International Criminal Court (ICC), sa mga husgado na naturang korte para buksan ang imbestigasyon sa “gera kontra-droga” ng rehimeng Duterte kaugnay sa mga reklamong isinampa dito ng mga biktima. Kung sasang-ayunan ng mga husgado, hindi ito mapipigilan ng rehimen.

Sa pahayag na inilabas ni Bensouda noong Hunyo 13, “susuriin” ng kanyang upisina ang mga krimen na naganap… “mula Hulyo 1, 2016” sa balangkas ng kampanyang “gera kontra-droga.” Ito ang kauna-unahang imbestigasyon ng ICC sa rehiyon ng Southeast Asia.

Ayon kay Bensouda, kahit pa umalis ang Pilipinas sa ICC noong 2019, maaari pa ring suriin ng korte ang mga krimen sa panahong myembro pa nito ang bansa. Lahat ng mga isasalang ng krimen ay naganap ay mula Hulyo 2016 hanggang Marso 16, 2019. Ikinalas ni Duterte sa ICC ang bansa, sa tulong ng mga kampon niya sa Senado, matapos isagawa ng korte ang paunang imbestigasyon sa rehimen. Sa imbestigasyong ito, nakita ni Bensouda na may “rasonableng basehan” para ilunsad ang isang mas malawak at masinsing imbestigasyon.

Sa harap nito, nagkakandarapa ang rehimen para pigilan ang posibleng imbestigasyon. Ayon sa tagapagsalita ni Duterte na si Harry Roque , hinding-hindi makikipagtulungan si Duterte sa ICC. Ipinaggiitan ni Roque na hindi totoong hindi gumagana ang sistema ng hustisya sa bansa, isa sa mga basehan ng pagtanggap ng ICC ng mga reklamo. Sa kahuli-hulihan, bumaling sa red-tagging si Roque at sinabing ang mga reklamo laban sa rehimen ay “gawa-gawa” lamang ng mga komunista at kalaban ni Duterte sa pulitika.

Sa kabilang panig, ipinagbunyi ng mga pamilya ng mga biktima at mga organisasyong nagtatanggol ng karapatang-tao ang hakbang ni Bensouda. Umaasa sila na gagawa ng dagdag na mga hakbang si Karim Khan, ang papalit sa kanya na prosecutor. (Magtatapos ang termino ni Bensouda ngayong araw.)

Kasabay ng hakbang ng ICC, nananawagan si Agnes Callamard sa United Nations Human Rights Council na palakasin nito ang mga pagsisikap ng internasyunal na komunidad para imbestigahan ang sitwasyon ng human rights sa Pilipinas. SI Callamard ay dating special rapporteur on extrajudicial killings ng United Nations at ngayon ay secretary general ng Amnesty nternational.

Samantala, muling inihapag ni Pennsylvania Rep. Susan WIld ang panukalang Philippine Human Rights Act sa kongreso ng US na pipigil sa pagbebenta ng armas at pagbibigay ng iba pang ayuda sa mga pwersang militar at pulis ng Pilipinas hanggang “marahas na tinatarget” ng rehimeng Duterte ang mga kalaban nito sa pulitika. Kung maipasa, mangangahulugan ito na mawawala sa Pilipinas ang $2 bilyong halaga ng mga armas, kabilang ang mga misayl at attack helikopter.

AB: Imbestigasyon ng International Criminal Court sa mga krimen laban sa sangkatauhan ni Duterte, posibleng masisimulan na