Balita

Ipinagmamayabang ni Marcos na taas-sweldo ng mga kawani, mumo at malayo sa nakabubuhay

“Mumo” ang ipinagmayabang ni Ferdinand Marcos Jr na dagdag-sweldo para sa mga kawani ng gubyerno. Ito ang pahayag ng Courage kaugnay sa Executive Order (EO) 64 na isinapubliko ng rehimen noong Agosto 2.

Ayon sa Courage, kakarampot na ₱530 na dagdag sa Salary Grade 1 Step 1 na empleyado o ₱26 kada araw lang itinaas nito sa sweldo. Naggawad din ang EO ng ₱7,000 medical allowance sa mga kwalipikadong kawani.

“Mumo na nga ang ₱35/day na tinanggap na dagdag sa minimum na sahod sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa National Capital Region, mas mumo pa itong dinagdag sa minimum wage ng mga kawani ng pamahalaan,” ayon sa Courage. Mas malala, ibibigay ito sa loob ng apat na tranch, mula 2024 hanggang 2027.

Kung kukwentahin, aabot ang sweldo ng mga kawani sa ₱13,530 kada buwan. “Mabubuhay ba ang kawani na may pamilya sa ganito?” tanong ng Courage. Sa kalkulasyon ng grupo, minimum na ₱33,000 ang kailangan nila para mabuhay ng disente.

“Kahit matapos ang 4th tranche ng EO 64 SSL (Salary Standardization Law) na ito ay hindi pa rin aabot sa kalahati ang ₱15,208/month sa ₱33,000/month,” anila.

“Mas maliit pa ang tatanggapin ng mga nasa mabababang pusisyon na kawani sa mga lokal na gubyerno,” ayon sa grupo. Hindi rin saklaw ng EO ang mga kontraktwal, kaswal at job order na mga kawani sa mga pampublikong kumpanya at korporasyon, anito.

“Karapatan ng lahat ng manggagawang Pilipino ang tumanggap ng nakabubuhay na sahod ayon sa Saligang Batas ng Pilipinas,” pahayag ng grupo. Itinuturing man nilang tagumpay ng pakikibaka at sama-samang pagkilos ang dagdag-sweldo at alawans medikal, hindi sila kuntento sa mumong dagdag at benepisyo.

“Ipaglaban natin ang dapat. Ipagpatuloy natin ang ating laban para sa nakabubuhay na sahod para sa lahat ng manggagawang Pilipino!” ayon sa grupo.

AB: Ipinagmamayabang ni Marcos na taas-sweldo ng mga kawani, mumo at malayo sa nakabubuhay