Itigil ang Laguna floating solar project, panawagan ng mga mangingisda sa bagong pinuno ng DENR
Nananawagan ang mga mangingisda at may adbokasiya sa kalikasan kay Raphael Lotilla, bagong talaga na Environment Secretary na itigil ang floating solar power project sa Laguna. Anila, may masamang epekto ang proyekto sa kabuhayan ng mahigit 8,000 maliliit na mangingisda at residente sa tabing dagat.
Ayon kay Chris Baysa, convener ng Save Laguna Lake Movement (SLLM) “may malawak na pagtutol mula sa mga apektadong mangingisda at residente sa nalalapit na floating solar project na sasakop sa tradisyunal na pangingisdaan. Dapat seryosong ikosidera ng bagong DENR secretary ang proyekto at aralin ng maigi ang epekto nito sa kalikasan”
Plano rin nilang magpadala ng sulat sa bagong pamunuan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa isang dayalogo upang mailahad nila batayan ng kanilang pagtutol.
Kasosyo sa proyekto ang Blue Leaf and Sun Asia, isang kumpanyang nakabase sa Singapore. Target nitong sakupin ang 2,000 ektarya ng Laguna de Bay sa bahagi ng Calamba, Cabuyao, Santa Rosa Bay at Victoria sa prubinsya ng Laguna.
Katuwang din sa proyekto ang ACEN Corp, kumpanya ng burgesyang Ayala na pumirma na sa isang kasunduan sa Laguna Lake Development Authority (LLDA) para upahan ang 800 ektaraya ng lawa.
Ang proyekto ay pinapatuloy ng LLDA sa kabila ng kawalan ng lehitimong konsultasyon sa mga apektadong mamamayan, ayon sa Pamalakaya.