Itinatakwil ng mamamayang Ilokano ang Balikatan Exercises 2024—NDF-Ilocos

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

“Tutol ang mamamayang Ilokano sa Balikatan 2024,” ito ang pahayag ni Rosa Guidon, tagapagsalita ng National Democratic Front (NDF)-Ilocos. Aniya, nangangamba ngayon ang mamamayan ng Ilocos dahil idadaos ang ilang bahagi ng war games ng Balikatan 2024 sa kampo ng 4th Marine Brigade sa tabing-dagat ng Barangay Bobon, Burgos, Ilocos Norte.

Tulad noong nakaraang taon, hindi malayong ipatitigil na naman ng AFP at ng US ang pagpalaot ng mga mangingisda sa dagat ng Ilocos Norte para bigyang daan ang war games sa lugar. “Maliligalig na naman ang mga komunidad sa Burgos [at kalapit na mga bayan],” aniya.

Inilunsad sa naturang lugar noong nakaraang taon ang “live fire exercises” (pagpapasabog ng mga bala at bomba) na gumambala at nagdulot ng ligalig sa mamamayan. Nagsagawa din dito ng simulation exercises o mga pagsasanay sa posibleng aktwal na mangyari kung saan pinalahok ang ilang sibilyan sa war games, gaya ng pagbubuhat sa mga kunwaring kaswalti sa gera na mga sundalong Amerikano.

Ngayong taon, isang pagsasanay sa dagat sa pagitan ng mga barkong nabal at coast guard ng Pilipinas, US at France ang isasagawa dito. May nakatakda ding live-fire exercise (maritime strike LFX) sa Mayo 8 sa Laoag City.

“Batid ng masang Ilokano na ang pinakamalaking war games ng imperyalistang US na ito ay paghahanda sa gera kontra sa China,” pagdidiin ni Ka Rosa. Dahil dito, bukambibig ngayon ng mga Ilokano ang mga katagang “walang tutulog-tulog, maya’t maya maggigiyera na sa ating bakuran!”

Dobleng pasakit para sa mga Ilokano, laluna sa mga mangingisda at magsasaka, ang war games dahil sa dinaranas nilang salanta ngayong panahon ng El Niño. “Kakaunti ang huling isda…at lanta ang mga panamin at tigang ang lupa at…ngayon [ay] nahaharap pa sila sa panganib na anumang oras ay magkagyera sa Pilipinas, sa kanilang bakuran sa Ilocos Norte,” ayon pa kay Ka Rosa.

Para tabunan ang pasakit at kapahamakang hatid ng war games ng Balikatan 2024, ginawa ngayong “military tourism park” ang kampo ng 4th Marine Brigade. Ineengganyo ng militar ang mamamayan na pumasok sa kampo upang ipagyabang ang military complex, mga eroplano at kagamitang pandigma. Noon pa mang itinatayo ito, ipinapangalandakan na ng mga Amerikanong sundalo ang kanilang monitoring facility sa loob ng kampo upang manmanan ang galaw ng China.

Noong Abril 22, ipinagyabang naman ng US 356th Expeditionary Civil Engineer Group at ng 355th Aviation Engineer Wing ng Armed Forces of the Philippines ang pagdidirehe nito sa konstruksyon ng isang “pasilidad pampaaralan” sa La Union. Binansagang “makataong tulong,” ang itinatayong eskwelahan, tulad ng iba pang sibilyang struktura, ay pawang mga palamuti para ibaling ang atensyon ng mamamayan ng Ilocos palayo sa pamamaril at pagpapasabog sa kanilang rehiyon.

“Kaisa ang mamamayang Ilokano sa mamamayang Ivatan, Cagayanon at iba pang mamamayang Pilipino sa pagtutol sa isinasagawa ngayong Balikatan Exercises na nagpapahamak sa mamamayan,” deklarasyon ni Ka Rosa.

AB: Itinatakwil ng mamamayang Ilokano ang Balikatan Exercises 2024—NDF-Ilocos