Kabataan, mga akademiko, kinastigo si Brawner sa pagpapakatuta sa US at panunulsol ng gera sa Taiwan
Kinastigo ng kabataan mula sa League of Filipino Students (LFS) at mga akademiko mula sa Center for People Empowerment in Governance (CenPEG) ang pag-uutos kamakailan ni AFP Chief Gen. Romeo Brawner Jr sa mga tropa sa Northern Luzon na “maghanda” para sa potensyal na gera sa kalapit na Taiwan.”
Sa pahayag ni Brawner kahapon, hinimok nya ang AFP na “maghanda” sa posibilidad ng “pagsalakay” ng China sa Taiwan. Aniya, dapat isipin na ng mga sundalo na “nasa digma” na ang Pilipinas ngayon pa lamang. Ginawa ni Brawner ang sobra-sobrang pahayag na ito matapos ang pagbisita ng pinakabagong kalihim sa depensa ng US na si Pete Hegseth sa Pilipinas noong Marso 28-29. Sa bisitang ito, sinabi ni Hegseth na gagamitin ng US ang Batanes bilang “lugar ng pagsasanay” ng mga “special operations forces” ng US.
Ayon kay Prof. Roland Simbulan, pinuno ng CENPEG, ang mga buladas ni Brawner ay nagsasapanganib sa pambansang seguridad at buhay ng maga Pilipino. Pinangupangunahan din niya ang mga proseso ng lehislatura at maging ang konstitusyon sa pag-iisip na “nasa gera” na ang Pilipinas, ayon sa propesor.
“Brawner, huwag masyadong obvious na tuta ka ng America. Binigyan ka lang ng onting armas at ayudang militar, makikidigma ka na para sa kanila?” pagkutya naman ni Lloyd Manango, pinuno ng LFS. “Hindi natin ito gera.”
“Konstitusyon ba ang sinusundan ni Brawner o ang Indo-Pacific Strategy ng US?” tanong niya.
Dapat kastiguhin ng Kongreso si Brawner sa mga pahayag niya dahil Kongreso lamang ang makapagtatakda na nasa gera na ang Pilipinas, ayon kay Manango. Pinagsabihan din ng kabataan si Brawner na huwag gamitin ang mga OFW sa Taiwan para manulsol ng gera.
Panawagan rin ng CENPEG na gamitin ng Kongreso ang awtoridad nito para igiit sa AFP ang transparency sa mga komitment nito, laluna ng mga kasunduan nito sa dayuhang mga hukbo. Iginiit nito ang pangangailanga para sa isang independyenteng patakaran panlabas na “nagpaprayoritisa sa mga diplomatikong solusyon, de-escalation, at rehiyunal na kooperasyon at hindi ng mga sigalot na militar.”
Ang independyenteng patakaran na ito ang matitiyak na napapangalagaan ang pambansang interes at ang mamamayan Pilipino, at naitatagayod ang kapayapaan sa rehiyon.
Sa nakaraang ilang taon, inilulunsad ng US sa Batanes ang malakihang aktibidad militar na bahagi ng Balikatan para sanayin kapwa ang mga tropang Amerikano at Pilipino sa mga senaryo ng pagdepensa, gayundin ang pagsalakay sa isang isla. Ang mga tropang Amerikano at kanilang mga sasakyang militar, tulad ng malalaking helikopter at barko, ay nagdulot ng ligalig sa mamamayan ng tahimik na nabubuhay sa mga isla ng Batanes. Noong 2023, nagtayo na ng pasilidad militar ng US sa Mavulis, pinakadulong isla ng Batanes na pinakamalapit naman sa Taiwan.