Balita

Kabataan sa Bikol, kinundena ang malawakang korapsyon sa bansa

,

Naglunsad ng koordinadong kilos protesta ang kabataan sa Bicol noong Setyembre 13 upang ipahayag ang kanilang pagtutol laban sa malawakang korapsyon sa bansa.

Nagprotesta ang mga estudyante mula sa Bicol University (BU) sa ilalim ng “BUeños Kontra Korapsyon (BKK)” sa Welcome Freshmen Party ng unibersidad, laban sa mga ghost project ng gubyerno, pulitikal na dinastiya, at malawakang pandarambong. Pinangunahan ang aktibidad ng Rise for Education (R4E) at University Student Council (USC). Naging bahagi din ng aktibidad ang Kabataan Partylist (KPL) Albay.

“Mula sa martsa hangang sa programa, nananawagan ang mga iskolar ng bayan para sa pananagutan mula sa mga tiwali na upisyal, sa pagwawakas sa bulok na sistema na pinamumunuan ng mga pulitikal na dinastiya at tunay na pagbibigay ng halaga sa interes ng mamamayan sa halip na sa interes ng mga bulsa ng iilan” pahayag ng KPL Albay.

“Hungkag ang husay, dangal, at serbisyo kung sa harap ng matinding ligalig ay pipiliin ng Iskolar ng Bayan na maging tikom at magkibit-balikat,” pahayaag ni Elzon Olandria, pangalawang pangkalahatang kalihim ng BU-USC.

Naglunsad din ng protesta ang mga kabataan mula sa Jovenes Anakbayan Naga City sa Plasa Rizal, Naga City laban sa korapsyon at maanomalyang mga flood control projects. Lumahok din sa pagkilos ang Damayan ng mga Paraoma (DAMPA) at Alliance of Concerned Teachers (ACT) Bicol Union.

Nanawagan ang mga kabataan ng pananagutan mula sa mga upsiyal ng gubyerno, mga kontractor at sa rehimeng US-Marcos, sa malawakang korapsyon na nagaganapsa bansa.

AB: Kabataan sa Bikol, kinundena ang malawakang korapsyon sa bansa