Kagyat na tulong at suporta sa kabuhayan, itinutulak para sa mga apektado ng sunog sa Laguna
Nakiisa ang Save Laguna Lake Movement (SLLM) sa panawagan ng mga residenteng naapektuhan ng sunog sa Barangay San Antonio, San Pedro, Laguna para mabigyan sila ng kagyat na tulong at suporta kasunod ng pagkawala ng kanilang mga kabuhayan. Nagkaroon ng sunog sa barangay noong hatinggabi ng Enero 25 na tumagal nang ilang oras at sumira sa mga kabahayan at ilang bodega sa lugar.
Dahil sa sunog, tumagas ang langis na nakaimbak sa mga bodega sa loob ng Kengian Complex tungo sa San Isidro River. Sinikap ng mga ahensya ng gubyerno na pigilan ang tagas bago umabot ang langis sa Laguna Lake na pipinsala sa ekosistema ng lawa. Sa loob ng tatlong araw, mahigit 17,600 litro na ng langis ang nalinis subalit nananatili pa rin ang epekto ng oil spill sa komunidad.
“Dapat managot ang may-ari ng bodega sa Kengian Complex dahil sa naging pinsalang dulot ng sunog sa mga kabahayanan at kalikasan. Marapat lamang na magbayad sila ng danyos sa mga nasunugan at tumuwang sa mga pagsisikap para linisin ang ilog at lawa,” pahayag ng SLLM.
Ayon pa sa grupo, patunay ang ganitong insidente ng pangangailangang doblehin ang pagsisikap para linisin at protektahan ang Laguna Lake. “Isang malaking dahilan kung bakit matindi ang polusyon sa lawa ay mula sa industrial run-off at iba pang dumi na linilikha ng mga nakapalibot na pook industriyal at komersyal sa lawa,” anito.
Sa panahon ng ganitong mga sakuna, sinabi ng SLLM na parating ang karaniwang mamamayan, mangingisda at mga residente ang pinakamatinding naaapektuhan. “Nananawagan ang SLLM na dapat mas higpitan pa ang mga patakarang nangangalaga sa Laguna Lake. Kabilang na rito ang mga programa para sa konserbasyon at rehabilitasyon at suporta sa mga maliliit na mangingisda laban sa interes ng dayuhang negosyo at mga malalaking korporasyon,” pahayag ng grupo.