Karagadagang mga karapatan at benepisyo sa mga magsisilbi sa eleksyon, naipanalo ng mga guro
Naipanalo ng mga guro sa isang negosasyon sa Commission on Elections (Comelec) ang karagdagang mga karapatan at benepisyo para sa mga magsisilbi sa darating na eleksyong 2025. Ipinaglaban ito ng ACT Teachers Party-list, Alliance of Concerned Teachers (ACT)-Philippines, at ACT NCR Union sa pakikipag-usap kay Comelec Chairman George Garcia noong Nobyembre 5.
Dumalo sa dayalogo sina dating ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, pambansang tagapangulo ng ACT na si Vladimer Quetua, pangulo ng ACT NCR Union na si Ruby Bernardo, at mga lokal na lider ng unyon sa NCR. “Isa itong signipikanteng panalo para sa ating mga mga guro na matagal nang nagsisilbing gulugod ng eleksyon sa Pilipinas,” ayon kay Rep. Tinio.
Kabilang sa mga naigiit nilang benepisyo ang pagdoble ng kanilang “service credit” mula sa dating limang araw tungong 10 araw. Samantala, magbibigay ang Comelec ng limang araw na kredito sa iba pang mga kawani ng gubyernong magsisilbi sa eleksyon.
Tiniyak din ni Chairman Garcia ang pagpapatupad ng dating naianunsyo nang P2,000 dagdag sa honorarium. Nakuha rin ng mga guro ang suporta ng tagapangulo para sa pagtatanggal ng buwis na sisingilin sa kanilang honorarium. Magsisikap rin umano ang komisyon para bigyan ng P1,000 alawans para sa transportasyon sa araw ng eleksyon.
“Ang pagdoble ng service credits at dagdag na mga benepisyo ay makakatulong para bigyang kumpensasyon ang mga panganib at hamon na kinahaharap (ng mga guro) sa araw ng eleksyon,” pahayag pa ni Rep. Tinio.
Ilan pa sa nakamtan nila ang pangako ng Comelec na magbigay ng libreng pagkain at tutuluyang bahay sa panahon ng treyning, pagpapasimple sa proseso ng pag-reimburse sa gastusing ligal at medikal para sa mga guro, tulong ligal, at pagdaragdag ng istap pansuporta sa kada presinto. Tiniyak rin ng komisyon ang paglalagay ng mga proteksyon para sa mga guro laban sa Red-tagging.
Dagdag pa ni Rep. Tinio, ang pagkakaroon ng tulungan sa pagitan ng ACT Election Hotline at Comelec ay higit na magpapalakas sa sistema ng pagsuporta sa mga guro sa panahon ng eleksyon. “Ang mga komitment na ito ay nagpapakita ng pagkilala sa halaga ng serbisyong iniaalay ng mga guro tuwing eleksyon,” pahayag pa niya.