Karapatan ng mga mag-aalimango at mangingisda, iginiit sa konsultasyon

,

Humarap sa dalawang magkasunod na konsultasyon sa mga ahensya ng gubyerno ang mga mag-aalimango at mangingisda sa Gubat, Sorsogon noong Oktubre 5 para igiit ang kanilang karapatan sa kabuhayan at ipahayag ang pagtutol sa pahirap na Fisheries Administrative Order (FAO) 264 at planong pagtatayo ng coastal road. Kinumpronta ng Save Gubat Bay Movement (SGBM) ang mga kinatawan ng gubyerno na matagal nang nagbibingi-bingihan sa kanilang hinaing.

Katuwang ng SGBM sa mga konsultasyon ang iba pang samahan tulad ng Cota na Dako Crablet Workers (COTAW), Samahan Alay sa Kalikasan Cooperative (SAAKCO), Kumunidad ng mga Lumalaban na mga Aping parapadagat ng Gubat (KULAG), at Sorsogon KingCrab Raisers Association Inc. (SKRA).

Unang hinarap ng mga grupo noong umaga ng Oktubre 5 sa Fish Port sa tabing dagat ng Cota na Daco ang Philippine Coast Guard (PCG) upang talakayin ang FAO-264. Binatikos nila ang patakarang ito na nagpapanggap na nangangalaga sa mga alimango ngunit pahirap sa mga mag-aalimango at hindi dumaan sa konsultasyon.

Ibinunyag ng grupo ang mga lihim ng FAO 264, na nagpapakita kung paano inuuna ng BFAR ang bulok na crab hatchery project na isinusulong ng mga pulitiko para sa personal na kapakinabangan. Hindi maipaliwanag ng maayos ng mga kinatawan ng PCG, BFAR, at Munisipal Agriculture Office (MAO) ang mga isyu na inilahad ng mga organisasyon.

Sa hapon, hinarap ng mga mangingisda at residente ang Department of Public Works and Highways District II (DPWH-2). Sa konsultasyon, ipinahayag nila ang matibay na pagtutol sa kontra-kabuhayan at kontra-kalikasan na mga proyektong drainage at road widening sa mga baranggay ng Balud at Cota. Samantala, iniulat ng SGBM na inianunsyo ng ahensya na hindi na maglalagay ng bagong kalsada patungo sa mga baybayin ng mga Barangay Balud, Cota, at Cogon.

Sa kabila ng anunsyo, duda si Ernie Gallardo, pangulo ng COTAW, dahil maraming beses na umano silang niloloko ng DPWH sa mga nakaraang konsultasyon kaya’t hindi na sila naniniwala sa mga mapanlinlang na mga pahayag na walang dokumentong ipinakikita sa publiko.

Nanindigan naman sila na patuloy na magbabantay ang mga grupo at ang Save Gubat Bay Movement upang tiyakin ang kapakanan ng mga mangingisda at ng kapaligiran.

AB: Karapatan ng mga mag-aalimango at mangingisda, iginiit sa konsultasyon