Komunidad ng mga magsasaka sa Cavite, muling sinalakay ng 100 pulis at militar
Higit 100 elemento ng pinagsamang pulis at militar sa ilalim ng Task Force Ugnay ng 202nd IBde ang muling sumalakay at nagtangkang pumasok sa Lupang Ramos sa Dasmariñas Cavite ngayong araw, Setyembre 26. Ngayong buwan lamang, ilang ulit nang sinubukang pasukin ng mga pwersa ng estado ang naturang asyenda para buwagin ang pagkakaisa ng mga magbubukid na nagtatanggol para sa kanilang karapatan sa lupa.
Tulad sa nakaraan, gumamit ng mapanlansing taktika ang mga pwersa ng estado at lokal na upisyal ng Cavite. Una nilang ipinahayag na ang planong pagpasok sa komunidad ay para sa “inspeksyon” kaugnay ng pag-iwas sa sunog.
“Sa pagigiit ng komunidad, saka lamang binanggit ng LGU ang mga diumano’y “peace and order resolutions” na naglalayong imbestigahan ang Lupang Ramos bilang ‘consolidation area for radicalization’ ng CPP-NPA,” pagbabahagi ni Jeverlyn Seguin, tagapagsalita ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK).
Nagbarikada ang mga residente at magsasaka ng Lupang Ramos ang daanan papasok sa kanilang lugar para pigilan ang mga pwersa ng estado. Ganito rin ang ginawa nila noong Setyembre 10 nang salakayin sila ng 50 sundalo at pulis sa tabing ng pag-iinspeksyon kaugnay sa African Swine Fever.
Pinangungunahan ng Katipunan ng mga Lehitimong Magsasaka at Mamamayan sa Lupang Ramos (Kasama-LR) ang kanilang paglaban. Nanawagan ang Kasama-LR sa kapwa nila magbubukid at residente na “patibayin ang hanay ng mga lumalaban para sa lupa at karapatan.”