Balita

Konstruksyon ng esplanade-seawall-kalsada sa isang barangay sa Antique, ipinatitigil

, ,

Nanawagan ang grupong pangkalikasan na Amlig Antique Alliance sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na kaagad ipatigil ang isinasagawang konstruksyon ng apat na kilometrong esplanade-seawall-kalsada sa Barangay Funda-Dalipe sa San Jose de Buenavista, Antique. Anang grupo, labag ang proyekto sa mga batas ng pangangalaga sa kalikasan at magdudulot ng pagkawasak sa marine ecosystem.

Sa isang apela noong Abril, sinabi ng alyansa na mayroon nang nasirang mga pugad ng pagong sa baybay ng Barangay San Pedro hanggang Barangay Funda-Dalipe dahil sa konstruksyon. Lalawak pa ang pinsala kung magtutuluy-tuloy ang proyekto. Dagdag nito, ang pagwasak sa kalikasan ay nagpapatuloy sa kawalang aksyon ng gubyerno, na nangangahulugan ng pakikipagsawabtan nito.

Inilatag ng Amlig sa apela ang mga rason para sa kagyat na pagpapatigil sa proyekto. Anito, isinantabi ng konstruksyon ang mga proteksyon sa kalikasan na inilatag ng batas. Nilampasan umano nito ang pagkuha para sa Mandatory Environmental Impact Assessments (EIA) at konsultasyon sa mga komunidad. Isinasapeligro rin ng proyekto ang nanganganib nang mga pugad ng mga pagong at buffer zone ng Marine Protected Area (MPA) ng bayan.

Liban dito, isinantabi ng proyekto ang kalagayan at karapatan ng mga apektadong komunidad. Pormal umanong tinutulan ng Funda-Dalipe Fisherfolk Association (FDFFA) ang proyekto pero hindi sila pinakinggan ng lokal na gubyerno. Hindi nakonsulta ang pitong barangay na apektado ng proyekto.

“Isa itong maiiwasang sakunang pangkalikasan, [at] may panahon pa para kumilos ang mga ahensya. Kung hindi sila kikilos, haharapin nila ang buong bisa ng mga batas pangkalikasan, at isusulong namin ang ligal na aksyon upang itigil ang proyekto,” pahayag ni Atty. Rolly Pedriña, tagapangulo ng Amlig.

Nanawagan rin si Atty. Pedriña kina Antique Gov. Rhodor Cadiao at San Jose Mayor Delfin Justin Encarnacion na maglabas ng pansamantalang utos ng pagpapahinto sa proyekto alinsunod sa Local Government Code. “Hinihikayat din namin ang EMB/PENRO na agad maglabas ng cease-and-desist order upang mapigilan ang karagdagang pagkasira ng mga pugad ng pagong,” panawagan pa ng tagapangulo.

Noong Abril 28, natulak ang gobernador na pumanig sa kanilang panawagan at umapela sa DENR na kagyat na tugunan ang isyu. Inirekomenda ng gobernador na maglabas ng cease-and-desist order o suspensyon sa prokeyto.

Liban sa mga inilatag nang dahilan ng Amlig, idinagdag ng gobernador na posible rin makapagdulot ang pagtatayo ng seawall ng paglubha ng pagbaha, pagkasira ng kabuhayan ng mga mangingisda at harang sa daanan ng mga bangka tuwing may bagyo.

AB: Konstruksyon ng esplanade-seawall-kalsada sa isang barangay sa Antique, ipinatitigil