Konsultasyon hinggil sa plantasyon ng oil palm sa Palawan, isinagawa
Nailunsad noong Disyembre 6 sa South Palawan ang isang on-site na konsultasyon kaugnay sa mga plantasyon sa oil palm sa lugar. Dinaluhan ito ng apat na kooperatiba, isang pederasyon, mga katutubo at may-ari ng lupa na apektado sa paglalatag ng komersyal na plantasyon. PInangunahan ang naturang konsultasyon ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK).
Sa ulat ng Kasama-TK, inihapag sa konsultasyon ang resulta ng pag-aaral sa mga plantasyon ng palm oil na isinagawa nito, katuwang ang Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura, sa mga munisipalidad ng Sofronio Española, Quezon, at Brooke’s Point.
Libu-libong ektaryang lupang pang-agrikultura ang sinaklaw ng plantasyon ng oil palm sa mga bayan, kabilang ang lupang ninuno ng katutubong Palaw’an at Tagbanua. Nakapaloob sa mga leaseback at contract growing ang mga magsasaka at katutubo rito sa kumpanyang Agumil Philippines mula pa noong nakaraang dekada. Itinali sila sa tagibang na mga kasunduang agribusiness ventures na nagdala sa kanila sa bingit ng pagkalugi. Ibinabaon sila sa utang, at sa huli ay napipilitan silang ibenta ang kanilang mga lupa sa kumpanya.
Unang naglatag ng plantasyon ang Agumil Philippines na pag-aaring Malaysian, kasama ang Palawan Palm & Vegetable Oil Mills Inc na pag-aari namang Singaporean, noong 2007. Sinaklaw ng unang mga plantasyon ang 3,592 ektarya, na tinarget na palalawakin tungong 15,469 ektarya sa sumunod na mga taon. Ang kalupaang sinaklaw nito ay pawang produktibong lupang agrikultural sa bahagi ng Timog Palawan.
Dumalo sa konsultasyon si Amirah “Mek” Lidasan, co-chairperson ng Sandugo Alliance at kandidato pagkasenador ng Makabayan. Habang nasa prubinsya, nakipagpulong din si Lidasan sa lokal na balangay ng Moro National Liberation Front.