Balita

"Konsultasyon" para sa 5% dagdag matrikula sa UE, sinalubong ng rali ng mga estudyante

,

Nagpiket ang mga estudyante ng University of the East (UE) sa kampus sa Caloocan at Manila noong Enero 27-28 kasabay ng inilunsad na “konsultasyon” ng UE hinggil sa itinutulak ng unibersidad na 5% tuition and other fees increase (TOFI). Kung matutuloy, ang 5% TOFI ay ikatlo na sa serye ng pagtataas ng matrikula mula akademikong taon ng 2023-2024 (9.5%) at 2024-2025 (6%).

Noong Enero 27, inihapag ng UE-Caloocan Central Student Council at iba pang organisasyon ng mga kabataan ang kanilang pagtutol sa pagtaas ng matrikulat at ibang bayarin sa isinagawang “konsultasyon.” Dumalo sa aktibidad si UE President at Chief Academic Officer Dr. Zosimo Battad ngunit umalis sa kalagitnaan ng “konsultasyon.”

Kasabay nito, isang tahimik na martsa-protesta ang isinagawa ng mga estudyante ng UE-Caloocan sa kampus na nagtapos sa harap ng gusali kung saan inilunsad ang “konsultasyon.” Kinwestyon rin nila ang biglaang pag-alis ni Dr. Battad sa naturang “konsultasyon” na anila ay sensyales ng pagsasaisantabi ng UE sa kanilang mga hinaing.

Noong Enero 28, lumahok ang konseho at mga lider-estudyante ng UE-Manila sa “konsultasyon” na isinagawa sa kanilang kampus. Nagkasa rin sila ng isang tahimik na protesta at nagbitbit ng mga panawagang “Ang hirap mong mahalin, UE!,” at binansagan ang UE bilang “University of Earnings” o unibersidad ng kita.

Hindi pinakinggan ng UE ang pagtutol ng mga estudyante at itinuloy ang TOFI ngayong taon. Ang “karapatan” ng mga pribadong unibersidad para magtaas ng singil ay alinsunod sa CHED Memorandum Order No. 03 Series of 2012, na nagbalangkas ng patakaran para rito.

Sa harap nito, patuloy na naninindigan ang mga konseho laban sa dagdag matrikula at mga bayarin, nanawagan ng pananagutan mula sa administrasyon ng UE at pagtataguyod sa kagalingan ng mga estudyante. Suportado ng National Union of the Students of the Philippines (NUSP) ang mga konseho at estudyante ng UE sa laban sa TOFI.

Ang pribadong unibersidad ay pag-aari ni Lucio C. Tan, isa sa pinakamalaking burges-kumprador sa bansa. Tulad ng iba niyang negosyo, nagsisilbi siyang Chairman of the Board at CEO nito.

AB: "Konsultasyon" para sa 5% dagdag matrikula sa UE, sinalubong ng rali ng mga estudyante