Balita

"Kontra-protesta" ng mga lider-transportasyon na nakikinabang sa pekeng modernisasyon, binatikos

,

Binatikos ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) ang pakanang “kontra-protesta” ni Obet Martin ng Pasang Masda at ng tinatawag niyang “Enormous 5″ noong Marso 24 sa Quezon City para itulak ang pagtutuluy-tuloy sa bogus na Public Transport Modernization Program (PTMP). Inilunsad ni Martin, kilalang bentador ng laban ng mga tsuper, ang kanilang protesta bilang tugon sa tigil-pasada ng grupong Manibela.

Sa pahayag ng “Enormous 5,” na kinabibilangan ng Pasang Masda, Altodap, Acto, Busina, at Curoda, sinabi nila na ang PTMP ang tunay na para sa kapakanan ng publiko at sektor ng transportasyon. Nagpahayag rin sila ng “tiwala” sa liderato ni Chairman Teofilo Guadiz III sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ayon sa Piston, kasuka-suka ang mga tulad ni Martin na malinaw na taksil sa karaniwang opereytor at tsuper. “Animo’y mga langaw na nagkukumahog sa basura, naglunsad ng “kontra-protesta” ang limang pekeng samahan sa LTFRB para suportahan si Guadiz at ang palpak na programa ng modernisasyon,” ayon sa Piston.

Dagdag ng grupo, ang tanging sinusuportahan ni Martin at ng huwad na mga lider ng limang samahan ay ang kanilang bulsa. Wala din umano silang pinagsisilbihan kundi sariling interes, kaya lagi silang nakasuporta sa kung sino ang may kapangyarihan.

“Pursigidong nagpapagamit si Martin at ang ‘Enormous 5’ sa rehimeng Marcos at sa mga galamay nitong si Guadiz upang makopo at mamonopolyo ang mga prangkisa ng mga maliliit na operator, lalo at ngayong lugi na ang kanilang operasyon dahil sa mga utang sa modernisasyon,” dagdag pa ng Piston. Pinatutunayan lamang umano ng hakbang na ito nina Martin na wala silang pakialam sa daan-libong nawalan at mawawalan ng kabuhayan.

Muling pinalakas ng mga tsuper at opereytor ang kanilang panawagan para itigil na ang huwad na programang modernisasyon sa transportasyon, laluna ang pwersahang konsolidasyon ng prangkisa, nang naupo bilang bagong kalihim ng Department of Transportation (DOTr) si Vivencio “Vince” Dizon noong Pebrero.

Kamakailan, inamin mismo ni Dizon na wala pa sa kalahati o 43% lamang ng mga prangkisa ng dyip ay nakonsolida. Taliwas ito sa unang mga iginiit ng LTFRB na nasa 86% na ang konsolidado.

Hinamon ng Piston ang kagawaran na maglabas ng resolusyon para ibasura ang programa at ibalik ang 5-taong prangkisa. Nakipagdayalogo rin kay Dizon noong Marso 21 ang mga lider-tsuper, mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa, sa pangunguna ni Mody Floranda, presidente ng Piston at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan. Binigyan nila ng 10-araw na taning si Dizon para maglabas ng resolusyon.

Samantala, inianunsyo ng Manibela na posible nitong palawigin ang kanilang tatlong araw na tigil pasada, na nagsimula noong Marso 24, hanggang sa Marso 28. Determinado ang mga tsuper na ituluy-tuloy ang kanilang protesta hanggang sa tugunan ng rehimeng Marcos ang kanilang panawagan.

AB: "Kontra-protesta" ng mga lider-transportasyon na nakikinabang sa pekeng modernisasyon, binatikos