Krimen ni Duterte sa gera kontra droga, gustong itago ni Gloria Arroyo mula sa ICC

Binatikos ng grupong Karapatan ang resolusyong isinusulong ng dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at 18 iba pang mambabatas na bigyan si dating pangulong Rodrigo Duterte ng “unequivocal defense” o buong-pasyang pagtatanggol laban sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa mga krimen ni Duterte sa huwad na gera kontra droga. Inihain ni Arroyo ang resolusyon sa House of Representatives kahapon.

Ayon sa Karapatan, isa itong malaking insulto sa libu-libong biktima ng ekstrahudisyal na pagpatay ng rehimeng Duterte at kanilang mga pamilya. “Mga mamamayan sila ng bayan na nagdusa sa hindi makataong pagtrato ng pumapatay na rehimen,” ayon pa sa grupo.

Liban kay Arroyo, ang iba pang naghain ng resolusyon ay sina:

  • Deputy Speaker Aurelio Gonzales (Pampanga 3rd District)
  • Deputy Majority Leader Marilyn Primicias-Agabas (Pangasinan 6th District)
  • Assistant Majority Leader Richard Gomez (Leyte 4th District)
  • Mohamad Khalid Dimaporo (Lanao del Norte 1st District)
  • Wilton Kho (Masbate 3rd District)
  • Edwin Olivarez (Parañaque 1st District)
  • Jose Alvarez (Palawan 2nd District)
  • Lorento Amante (Laguna 3rd District)
  • Mary Mitzi Cajayon-Uy (Caloocan 2nd District)
  • Dale Corvera (Agusan del Norte 2nd District)
  • Edward Hagedorn (Palawan 3rd District)
  • Jon Lazatin (Pampanga 1st District)
  • Eric Martinez (Valenzuela 2nd District)
  • Ann Matibag (Laguna 1st District)
  • Johnny Pimentel (Surigao del Sur 2nd District)
  • Eduardo Rama Jr. (Cebu City 2nd District)
  • Zaldy Villa (Siquijor)
  • Anna York (Pampanga 4th District)

“Dapat pansinin na ang mga nagsusulong ng resolusyon ito ay iyong mga nasa gubyerno na pinapurihan si Duterte at ngayon ay mistulang tumutulong sa kanya para makatakas sa pananagutan,” dagdag ng Karatapan. “Ang mga dugo ng pinatay ni Duterte ay nasa kanilang mga kamay. Kahiya-hiya,” giit ng grupo.

Hibang pang idineklara ng resolusyon ni Arroyo na ang administrasyong Duterte umano ay nagbigay daan sa mga “katangi-tanging tagumpay na idinulot ng kanyang walang-tigil na kampanya laban sa iligal na droga.”

Muling binuksan ng ICC ang imbestigasyon nito sa gera kontra droga ni Duterte noong huling bahagi ng Enero matapos itong pansamantalang tumigil noong Nobyembre 2022. Sa tala ng mga grupo sa karapatang-tao, tinatayang hindi bababa sa 30,000 ang pinatay sa gera kontra drogra.

“Pinapakita lamang nito kung paanong sinusuportahan ng isang pasistang pangulo ang isa pa…at kung paanong dapat tayong manindigan kasama ang mga biktima, nakaligtas at kanilang pamilya sa pagkakamit ng hustisya saanman at kailanman kailangan,” pagtatapos ng pahayag ng Karapatan.

AB: Krimen ni Duterte sa gera kontra droga, gustong itago ni Gloria Arroyo mula sa ICC