Balita

Kumperensya ng pakikiisa para sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino, ilulunsad sa Rome

,

Sa darating na Hunyo, magtitipon mula sa buong mundo sa Rome, Itali ang mga relihiyoso para sa isang makasaysayang kumperensya na tinaguriang -Pagtatanim: Sowing the Seeds of Faith Solidarity for the Filipino People’s Struggle for Peace. Ayon sa International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP), ang aktibidad ay isang kumperensya ng iba’t ibang pananampalataya upang mapatibay ang kilusan ng pakikiisa para sa sambayanang Pilipino, at magpakilos ng komunidad ng mga pananampalataya na samahan at suportahan ang pinaka-aping mamamayan sa Pilipinas.

Ang Pagtatanim ay binuo ng mga organisasyon para sa karapatang-tao at pananampalataya sa loob at labas ng Pilipinas tulad ng ICHRP, International Interfaith Network for the Philippines at Ecumenical Voice for Peace (EcuVoice).

Sinusuportahan din ang aktibidad ng iba’t ibang institusyon at organisasyon sa pananampalataya tulad ng -World Council of Churches, World Communion of Reformed Churches , World Christian Student Federation , United Methodist Church–General Board of Church and Society, Disciples of Christ and United Church of Christ-Board of Global Ministries, United Church of Canada, Anglican Church of Canada at KAIROS-Canadian Ecumenical Justice Initiative.

Ayon sa ICHRP, dahil sa tumitinding karahasan ng estado habang nagpapatuloy ang krisis sa ekonomya, malinaw na nananatiling hindi natutugunan ang kahirapan at pagdurusa ng mga Pilipino. Ang kasalukuyang sitwasyon ay nananawagan para sa buong mundo mula sa sektor ng pananampalataya na maging saksi at samahan ang sambayanang Pilipino sa kanilang pakikibaka para makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.

Noon pa man, ay kaisa na ng mga Pilipino ang mamamayan sa pananampalataya. Noong 1980’s ang mga komunidad sa pananampalataya sa buong mundo ay nagsilbi sa kritikal na papel sa pagtuligsa sa brutalidad at korapsyon ng rehimeng Marcos. Ang mga ugnayan ng mga simbahan ay nagpalitan ng impormasyon sa mga internasyunal na komunidad tungkol sa martial law at nangampanya para sa pagpapatapos ng rehimen.

“May matinding pangangailangan para palawakin ang kilusan para sa pakikiisa sa kasalukuyang konteksto ng malawakang kahirapan, militarisasyon at terorismo ng estado. Titipunin ng Pagtatanim ang mamamayan ng pananampalataya upang ipagpatuloy ang tradisyon ng pakikiisa at pagkilos para sa makatarungang kapayapaan sa Pilipinas” dagdag ng ICHRP.

AB: Kumperensya ng pakikiisa para sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino, ilulunsad sa Rome