Balita

Libong drayber, nagsumite ng petisyon para kumalas sa konsolidadong prangkisa

,

Nagtungo si Mody Floranda, presidente ng Piston at kandidato pagkasenador ng Makabayan, sa upisina ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para ipasa ang isang petisyon na may pirma ng 1,000 drayber na nais umatras sa mga konsolidadong prangkisa na napwersa silang pasukin.

“Patunay ito na walang saysay ang sinasabi ng LTFRB na 80% consolidation rate dahil marami dyan ang tinakot, niloko at pinilit!” pahayag ni Floranda.

“Patunay (ito) na mula nang pumasok sila sa Public Transport Modernization Program (PTMP), nawalan na sila ng kabuhayan,” salaysay niya kaugnay sa mga drayber na nais nang umatras sa programa. Ang mga drayber at opereytor na nadehado ay nagtungo na sa Kongreso at Senado para ipaabot sa mga institusyong ito na nabaon sila sa utang dahil sa programa. Hindi lingid sa kaalaman ng Senado, Kongreso at kahit ng rehimen na lubhang napakamahal ng imported na mga sasakyan pampalit sa mga tradisyunal na dyip.

“Hanggat patuloy na nangunguyapit ang rehimen ni Marcos sa mga dayuhan at sa malalaking negosyante, kailanman ay hindi aayos ang moda ng ating public transport,” aniya.

Samantala, ipinanawagan ng Piston sa Kongreso na huwag ibigay ang hinihinging ₱1.6 bilyon badyet para sa PTMP ng Department of Transportation (DOTr) para sa 2025.

“Sa halip na pondohan ang PTMP, dapat gawing prayoridad ng gubyerno ang pagpondo at pagbibigay ng subsidyo sa rehabilitasyon ng mga dyip para paramihin ang suplay ng pampublikong transportasyon, bigyang kumpensasyon at danyos ang mga nawalan ng trabaho dahil sa sapilitang phaseout ng mga tradisyunal na dyip, at suportahan ang lokal na pagmamanupaktura sa halip na ilaan ang pondo sa mga dayuhang suplayer,” ayon sa grupo.

AB: Libong drayber, nagsumite ng petisyon para kumalas sa konsolidadong prangkisa