Limang sibilyang nangingisda, pinaputukan ng 502nd IBde sa Isabela
Pinaulanan ng bala ng mga sundalo ng 502nd IBde ang limang pambansang minoryang Ifugao habang nangingisda sa Sitio Sapiot, Tappa, San Mariano, Isabela noong Abril 21. Pinalalabas ng tropa ng militar na isang armadong engkwentro ang naganap sa pagitan nito at ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Cagayan Valley (Fortunato Camus Command).
Sa ulat noong Abril 23, tatlo sa mga sibilyan ang ligtas na nakauwi habang ang dalawa ay nawawala at patuloy na hinahanap ng kanilang mga kapamilya. Residente ang lima ng Barangay Libertad, San Mariano.
Pinabulaanan mismo ng pamilya at mga kamag-anak ng mga biktma ang pahayag ni MGen Guillever Senires, kumander ng 5th ID, na mga Pulang mandirigma ang lima. Naglabas rin ng pahayag ang BHB-Cagayan na walang naganap na engkwentro sa Barangay Tappa.
Bumuhos ang pagkundena sa militar sa pagpapakalat ng pekeng balita, gayundin sa mga istasyon ng midya na nagpapakasangkapan sa paglalako ng disimpormasyon. “Tahimik ang San Mariano. Tapos ipe-fake news lang ng mga iresponsable? Sana may nakasuhan,” komento ng isa.
Ang insidente ay kasunod ng isa pang pekeng engkwentro na ibinalita ng 5th ID na naganap sa Barangay Dicamay Dos, Jones Isabela noong Abril 20. Dalawang aktibistang nangangampanya ang dinakip ng mga sundalo matapos ang gawa-gawang engkwentro.
Nakahimpil ngayon sa kabahayan ng Barangay Dicamay Dos ang mga sundalo at naghahasik ng takot sa mga residente upang pilitin silang baligtarin ang kanilang salaysay kaugnay sa pekeng engkwentro. Samantala, labis na pangamba naman ang idinulot ng pagpapaikut-ikot ng apat na attack helicopter sa Jones at sa mga kalapit na bayan na nagsaboy ng mga kontra-rebolusyonaryong propaganda.
Ayon sa BHB-Cagayan Valley, hindi na bago ang ganitong mga modus operandi ng 86th IB at 5th ID kung saan nagkakasa sila ng mga gawa-gawang labanan upang balutin sa teror at lagim ang mga komunidad sa kanayunan.
Samantala, nanawagan si Ka Elias Almazan, upisyal sa pulitika ng yunit, sa mamamayan ng rehiyon na malawakang ilantad ang laganap na paglabag ng 5th ID sa mga karapatang-tao at ang tumitinding militarisasyon sa buong Cagayan Valley sa kasagsagan ng Balikatan at pagpapakasangkapan ng mga tropa ng AFP sa pagpupusisyon ng mga kagamitang pandigma ng US sa rehiyon.