Balita

Lupang inaagaw sa Taytay, Rizal, iligal na binakuran

Iligal na hinarangan ng mga tauhan ng Baltao Corporation ang lagusan ng Sityo Igiban, Barangay San Isidro, Taytay, Rizal noong Disyembre 4 upang pigilan ang paglabas-masok ng mga residente sa sityo.

Humigit 60 pamilya mula sa Sityo Igiban Neigborhood Association ang pinahirapan sa panggigipit ng kumpanya. Maraming residente ang hindi ,makapasok sa eskwela at sa kanilang trabaho dahil sa panghaharang.

Habang balisa ang mga residente dahil sa panggigipit ng kumpanya, walang habas na pinutol ng mga tauhan ng kumpanya ang tanim nilang mga puno at halaman. Tuluy-tuloy din ang konstruksyon at pagpapasok ng mga materyales ng kumpanya sa sityo.

Naobliga ang kumpanya na buksan ang gate noong gabi, nang may mamagitan na mula sa munisipyo.

Ayon sa mga residente, walang imik ang mga upisyal ng barangay hinggil sa pang-aagaw ng lupa ng mga residenteng limang dekada nang naninirahan dito.

Nananawagan ang mga residente sa mga upisyal ng gubyerno na tulungan sila sa kanilang laban sa paninirahan at panagutin ang Baltao Corporation sa ginawa nitong panggigipit sa kanila.

AB: Lupang inaagaw sa Taytay, Rizal, iligal na binakuran