Mag-asawang matanda, pinaslang ng militar na lango sa droga sa Masbate

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Walang pinipiling biktima ang karahasan at terorismo ng militar sa prubinsya ng Masbate. Noong Pebrero 5, pinaslang ng 2nd IB ang matandang mag-asawang “senior citizen” na sina Pedro Regala, 78 anyos, at Florencia Regala, 67 anyos sa Barangay Toboran, bayan ng Cawayan.

Tahasang nagsinungaling ang 2nd IB na mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate ang dalawang matanda para pagtakpan ang kanilang krimen. Pinalabas pa ng mga berdugo na nakumpiska sa matatanda ang isang M16, isang kalibre 38 Revolver, homemade shotgun, mga ammo pouch at limang selpon.

“Nagngangalit ang mamamayang Masbatenyo sa kasuklam-suklam na pagpatay kay Tatay Pedro at Nanay Florencia,” ayon kay Ka Luz del Mar, tagapagsalita ng BHB-Masbate. Ayon sa impormasyon ng yunit, dinampot ang mahina at walang kalaban-labang mag-asawa sa kanilang tahanan at dinala sa liblib na bahagi ng sapa kung saan walang-awa silang pinagbabaril.

Natukoy ng yunit ng BHB na mga elemento ng 2nd IB at mga grupong paramilitar sa pamumuno ni Adriel Besana ang sangkot sa krimen. Napag-alaman din na ilan sa mga pumatay ay lulong sa drogang sinuplay ng druglord at rantserong si Edwin Du.

Ibinahagi din ni Ka Luz na dapat mag-ingat ang mga residente sa Baranga Toboran dahil pinamumugaran ito ng mga paramilitar na Alsa Masa na pinasasahod at suportado ng militar.

Sa harap ng paghaharing militar sa prubinsya, nanawagan si Ka Luz sa masang Masbatenyo na huwag manahimik, magpadala sa takot at ibaon sa limot ang mga krimen ng militar. “Hindi sila dapat pumayag pang maging ang ating mga ama, ina, anak, kapatid at kaibigang pinakamamahal sa buhay ay ituring na mas masahol pa sa hayop. Kailangang itransporma ang ating pagluluksa sa makatarungang pakikibaka,” aniya.

Hinimok niya ang mga Masbatenyo na tahakin ang landas ng digmang bayan. “Digmang bayan ang tatapos at bibigo sa gerang mapanupil ng bulok na estado. Mangyayari lamang ito sa pagsuporta at pagkilos ng lahat ng inaapi at pinagsasamantalahan para sa makatarungang armadong pakikibaka.”

Nagpahayag din ng galit si Ka Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas, sa pagbatikos sa 2nd IB. Nakiisa siya sa pamilya at kaanak ng pinaslang na matatanda sa paghingi ng katarungan. Aniya, may pananagutan sina Sec. Gilbert Teodoro, kalihim ng Department of National Defense, at Gen. Romeo Brawner, hepe ng Armed Forces of the Philippines sa naganap na krimen.

AB: Mag-asawang matanda, pinaslang ng militar na lango sa droga sa Masbate