Magsasaka, pinaslang ng ahente ng AFP sa Sorsogon

,

Pinatay ng mga bayarang ahente ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang magsasakang si Arnel Halum noong Nobyembre 5 sa Sityo Kamandag, Barangay San Pascual, Casiguran, Sorsogon. Tumutulong siya sa kanyang bayaw sa pagbubunot ng niyog sa panahong iyon.

Si Halum, 42 taong gulang, ay isang magsasaka na residente ng Barangay San Pascual at naging myembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) noong 2007-2009. Matagal na siyang wala sa armadong kilusan.

Ayon sa pamilya ng biktima, may pumunta na mga di nakikilalang “dating myembro ng NPA” sa bahay ni Halum, bandang alas 10 ng umaga ng parehong araw. Hinala ng pamilya na mga ahente na ng AFP ang mga iyon.

Bago nito, ilang buwan nang pinipilit ng mga ahenteng militar si Halum na “sumurender” sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) at sumali sa grupo ng mga “rebel returnee.” Tinanggihan niya ang mga pamimilit na ito.

Kinundena ng BHB at buong rebolusyonaryong kilusan sa Sorsogon ang pagpatay kay Halum at nakikiisa sa pamilya sa panawagang hustisya.

Anang BHB-Sorsogon, “ang pagpaslang kay Halum ay nagpapatunay lamang na hindi ligtas sa pasismo at ekstrahudisyal na pamamaslang kahit ang matagal nang nagpahinga na mandirigma na sibilyan na ang katayuan.” Pinatutunayan umano nito na bogus at kontra-kapayapaan ang kampanyang kontra-insurhensya ng AFP.

Sa huling tala ng Ang Bayan, umabot na sa 133 ang biktima ng pampulitikang pamamaslang sa bansa sa panahon ng rehimeng Marcos.

AB: Magsasaka, pinaslang ng ahente ng AFP sa Sorsogon