Magsasaka sa Negros Occidental, dinakip at pinatay ng 62nd IB

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nilusob at pinaulanan ng bala ng hindi bababa sa 24 tropa ng 62nd IB ang bahay ng pamilyang dela Peña sa Sityo Inangaw, Barangay Quintin Remo, Moises Padilla, Negros Occidental noong Mayo 21 ng umaga. Kasunod nito, iligal na inaresto ng mga sundalo si Richard dela Peña, inilayo sa kanyang bahay at sadyang pinatay.

Tulad ng karaniwan nilang gawi, pinalalabas ng 62nd IB na napatay ang biktima sa armadong engkwentro sa Bagong Hukbong Bayan (BHB). Pinasinungalingan ito ng BHB-Central Negros (Leonardo Panaligan Command) sa pagsasabing wala silang nakasagupang tropa ng gubyerno sa araw at lugar na iyon.

Ayon kay Ka JB Regalado, tagapagsalita ng BHB-Central Negros, “para pagtakpan ang desperasyon ng berdugong militar ay tinaniman pa ng ‘recycled’ na ebidensyang M16, bandolyer at mga dokumento ang biktima.”

Idiniin pa ng tagapagsalita na hindi armado at hindi nila kasapi ang biktima. “Kumpleto ang aming mga armas…na ginagamit sa pagsusulong ng rebolusyonaryong gawain sa Central Negros,” ayon pa sa kanya.

Sa isla ng Negros noong unang kwarto ng taon, hindi bababa sa 11 pekeng engkwentro na ang ipinakana ng mga sundalo ng 3rd ID. Patung-patong na mga paglabag sa karapatang-tao ang naitala sa mga insidenteng ito.

AB: Magsasaka sa Negros Occidental, dinakip at pinatay ng 62nd IB