Magsasakang dinukot sa Sipalay City, natagpuang patay; isa pa, nawawala

,

Dinukot ng hinihinalang mga pwersa ng estado ang organisador ng magsasaka na si Bea Lopez, at ang magsasaka at drayber ng traysikel na si Peter Agrabante noong Setyembre 15 sa Sipalay City, Negros Occidental. Sa ulat ng lokal na radyo, natagpuan ang bangkay ni Agrabante sa Satori Cliff sa Barangay Nagbo-alao, Basay, Negros Oriental noong umaga ng Setyembre 16.

Ayon sa mga saksi, bumibyahe ang dalawa sakay ng isang traysikel papuntang Barangay Gil Montilla, Sipalay City nang hinarang at sapilitan silang isinakay sa isang puting van. Ang mga dumukot sa kanila ay nakasuot ng maskara at armado. Isinakay naman sa isang pick-up truck ang sinakyang traysikel ng mga biktima.

Ang bangkay ni Agrabante ay natagpuang nakatali ang mga kamay at paa gamit ang duct tape. Binusalan din ang biktima gamit ang duct tape. Sa paunang ulat ng pulis, mayroong tama ng bala sa ulo ang kanyang bangkay.

Naiulat din na napansin ng mga residente sa lugar na isang puting pick-up truck ang huminto dito bandang alas-12 ng madaling araw noong Setyembre 16 kung saan mistulang may iniwan sa gilid ng daan. Pagsapit ng umaga, nakita na lamang nila ang bangkay ni Agrabante.

Samantala, ang 26-anyos na si Lopez, na residente ng Sityo Langud sa Barangay Camalandaan, Cauayan, Negros Occidental, ay hindi pa rin natatagpuan hanggang sa kasalukuyan.

AB: Magsasakang dinukot sa Sipalay City, natagpuang patay; isa pa, nawawala