Maharlika Fund, muling kinwestyon sa Korte Suprema

,

Naghain ng petisyon sa Korte Suprema noong Lunes, Setyembre 18, ang Bayan Muna Partylist, kasama si Sen. Koko Pimentel III, para ipadeklarang labag sa konstitusyon ang Maharlika Investment Fund Act (RA 11954). Nagtungo sa korte ang dating mga kinatawan ng Bayan Muna na sina Atty. Neri Colmenares, Ferdinand Gaite at Carlos Zarate para hamunin ang batas na ipinasa sa kabila ng kabi-kabilang batikos dito ng mga ekonomista, mambabatas at iba’t ibang sektoral na grupo.

Hinihingi ng mga petisyuner sa korte na kagyat na maglabas ng temporary restraining order (TRO o pansamantalang pagpigil) laban dito.

Ayon kay Atty. Colmenares, taliwas sa konstitusyong 1987 ang batas dahil una, hindi ito dumaan sa masusing pagsubok. Pangalawa, walang batayan ang pagratsada nito sa Kongreso bilang isang “urgent measure,” gayong hindi naman ito kagyat na kailangan. Sa gayon, nilabag nito ang itinatakda ng konstitusyon na proseso sa pagbubuo ng mga batas. Dati nang kinwestyon ang pagratsada sa batas sa Senado at Kongreso noong Mayo pero hindi ito kinatigan ng korte.

Ayon sa mga petisyuner, hindi rin dapat isinama sa pagbubuo ng MIF ang Bangko Sentral, na isang independyenteng institusyon.

“Sa panahong may mas kagyat na problema sa ekonomya tulad ng implasyon sa pagkain, mataas na disempleyo, hindi dapat isinusugal sa posibilidad na mawaldas ang mga pondong pampubliko,” ayon kay Colmenares. Paliwanag niya, hindi independyente sa Malacañang ang MIF kaya kayang-kaya itong gamitin ng presidente para sa korapsyon at kroniyismo.

AB: Maharlika Fund, muling kinwestyon sa Korte Suprema