Maka-US at korap na presidente ng South Korea, pinagbibitiw

, ,

Sunud-sunod na malalaking protesta ang inilunsad ng mamamayang Korean sa Seoul, kabisera ng bansa, mula Agosto hanggang Oktubre para ipanawagan ang pagrisayn ng kanilang presidente na si Yoon Suk-yeol. Binabatikos din ng mga raliyista ang US sa walang-tigil na panunulsol ng gera sa kanilang peninsula na anila’y nagsasapanganib sa kapayapaang umiiral ngayon sa pagitan ng dalawang Korea.

Noong Oktubre, di bababa sa 13 demonstrasyon ang inilunsad ng mamamayang Korean. Inihahalintulad ang mga protestang ito sa kilusang masa na nagpatalsik sa isa pang maka-US at maka-gerang presidente na si Park Geun Hye noong 2017.

Isa sa pinakamalaki ang rali ng 300,000 noong Oktubre 24. Lumahok dito ang mamamayan mula sa 23 syudad at rehiyon sa buong South Korea. Liban sa panawagang pagbibitiw ng presidente, ipinanawagan din nila ang pag-imbestiga sa kanyang asawa na si Kim Keon-hee sa kasong manipulasyon ng stock market. Suportado ang naturang mga pagkilos ng tradisyunal na oposisyon.

Panawagan nilang magrisayn si Yoon, na anila’y “sumira sa kabuhayan ng mamamayan, mapaghiganti sa mga kalaban sa pulitika, nagwasak sa kapayapaan sa pagitan ng dalawang Korea at isang traydor na maka-Japan.”

Bago nito, nagkaroon din ng malaking rali laban sa isinagawang US war games malapit sa karagatan ng North Korea. Lubos na sinuportahan ni Yoon ang paglulunsad ng naturang war games, na pinakamalaki sa nakaraang limang taon. Liban sa mga sundalong US, nilahukan ito ng mga elemento ng peacekeeping force ng Japan. Itinuring ng mamamayang Koreano, kapwa sa hilaga at timog na bahagi nito, bilang probokasyon na maaaring humantong sa pagsiklab ng gera sa kanilang peninsula o tangway.

Liban sa mapanulsol na mga war games, nakapakat sa bansa ang 28,500 sundalong Amerikano sa base militar na itinuturing na pinakamalaking base sa labas ng US.

AB: Maka-US at korap na presidente ng South Korea, pinagbibitiw