Makasaysayang-taas na utang ng Pilipinas, panustos sa mga kontra-mamamayang programa at korapsyon

,

Tinawag na “new high” (bagong pinakamataas) ang pagpalo ng utang ng Pilipinas tungong ₱14.35 trilyon sa katapusan ng Agosto. Halos buwanan na ang padedeklara ng “makasaysayang pagtaas” nito mula 2020 kung saan walang awat na nangutang ang reaksyunaryong estado sa ngalan ng pag-apula ng pandemyang Covid-19. Sa ngayon, katumbas na ito sa 61% ng gross domestic product (GDP o kabuuang sukat ng lokal na ekonomya), malayo sa 39.6% na tantos nito bago magpandemya. Kung hahatiin, ang bawat Pilipino ay may utang na ₱150,000.

Sa taya ng mga ekonomista, aabot sa ₱14.63 trilyon ang utang ng bansa sa katapusan ng taon. Katumbas ito nang 62% ng GDP. Ito na ang pinakamataas sa nakaraang 17 taon. Mas mataas din ang kailangang ilaan para sa pagbabayad ng utang para sa susunod na taon. Para sa 2023, kailangang magbayad ang Pilipinas ng ₱1.35 trilyon para sa lokal nitong mga utang at ₱253.8 bilyon para sa dayuhan nitong mga utang.

“Lalong ibinabaon ng rehimeng Marcos ang bansa sa utang,” ayon kay Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng PKP. Mahigit 40% ng badyet nito para sa 2024 ay nakatakdang tustusan ng utang. Pinakamalaking bahagi ng badyet na ito (₱1.418 trilyon) ay nakalaan para sa mga proyektong imprastruktura na tradisyunal na ginagawang palabigasan ng naghaharing pangkatin at kanilang kroning kumprador. Halos kalahati nito (43%) ay tuwirang hawak ni Ferdinand Marcos mismo, sa anyo ng automatic appropriatons, special purpose funds at confidential and intelligence funds.

Sa taya ng dating senador at kasalukuyang deputy speaker na si Ralph Recto, kakailanganing umutang ang bansa nang hanggang ₱4 na bilyon kada araw para tustusan ang dambuhalang badyet para sa 2024. Aniya, sa ₱5.767 trilyon badyet, nasa ₱15.8 bilyon ang gagastusin ng estado kada araw. Pero nasa abereyds na ₱11.7 bilyon lamang ang nalilikom nitong rebenyu mula sa mga buwis at iba pa kada araw at sa gayon, mapipilitan itong mangutang para pondohan ang mga “nakakasilaw” na mga proyektong nilaanan ng pondo.

Mas masaklap ang datos pagdating sa bayaran. Ayon kay Recto, sa laki na ng utang ng estado, umaabot na sa ₱5.2 bilyon ang kailangang bayaran nito kada araw, alinsunod sa mga kundisyon ng mga pautang na ito.

“Palaki nang palaki ang inuutang ng bansa para pondohan ang walang kahihiyang pangungurakot ng mga Marcos, kanilang maluhong pamumuhay, sikretong mga pondo at paggasta para sa militar at pulis,” ayon kay Valbuena.

Isinisisi ng mga upisyal ng rehimen ang panibagong pagsirit ng utang sa “paghina” ng halaga ng piso kontra dolyar. Pero matagal nang walang awat ang pangungutang ng reaksyunaryong estado. Katunayan, tumaas tungong panlima ang Pilipinas mula sa pangwalong mayor na mangungutang ng World Bank para sa taong 2023. Sa taong ito, nangutang si Marcos ng $2.336 bilyon para sa anim na proyekto. Ang mga proyektong ito ay kunwa’y magpapaunlad sa agrikultura at kabuhayan ng mamamayan pero sa aktwal ay nagtutulak para sa malawakang kumbersyon ng mga lupang ninuno at agrikultural tungo sa mga plantasyon at iba pang komersyal na negosyo. Babayaran ang mga utang na ito sa pagitan ng 2025 at 2028.

Ayon sa NEDA mismo, umabot sa $30 bilyon ang kabuuang inutang ng bansa sa iba’t ibang kapitalistang institusyon at bangko, kabilang sa World Bank. Ang $20 bilyon nito ay inilaan para pondohan ang mga proyektong imprastruktura na kalakhan ay di pa natatapos o nasisimulan dulot ng pag-aagawan ng kikbak at korapsyon.

AB: Makasaysayang-taas na utang ng Pilipinas, panustos sa mga kontra-mamamayang programa at korapsyon